Ilang jeepney driver, umaaray na sa epekto ng lockdown sa Batangas

April Magpantay, ABS-CBN News

Posted at Jun 04 2020 01:02 AM

Dahil sa 2-buwang lockdown dulot ng COVID-19 pandemic, nawalan ng kita ang mga jeepney driver sa Lipa City, Batangas

LIPA, Batangas--Higit dalawang buwan nang hindi pumapasada ang jeepney driver na si Nilo Kison.

Dahil sa community quarantine na ipinatupad ng gobyerno noong Marso, kahit piso wala siyang kita. Dati, nag-uuwi siya ng P1,800 kada araw sa maghapong pasada.

Wala rin umano siyang natanggap na ayuda mula sa pamahalaan.

“Mula noon hanggang ngayon, wala kami. Tapos ngayon may balita kami na meron daw kaming makukuhang ayuda, 'yung sa mga jeepney driver at operator ay wala namang nadating sa amin hanggang sa ngayon," ani Kison.

Ang tsuper din at kapatid niyang si Raymund ay may dalawang anak na ie-enrol ngayong pasukan. Kaya naghanap na siya ng ibang paraan para mabawasan ang gastos sa bahay.

“Meron akong taniman sa likod ng bahay. Ayun nagtatanim-tanim kami. Kapag dumating ang panahon na humaba pa ang pandemic na iyan, may maaani ako,” aniya.

Pero sa kabila nito, walang balak ang magkapatid na bumalik muli sa lansangan hangga’t walang bakuna at gamot para sa COVID-19, kahit na pinayagan na ang mga jeepney na bumiyahe sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine sa Pilipinas.

Wala umano silang kikitain dahil kailangan sundin ang physical distancing sa loob ng jeepney.

“Pinangangambahan ko baka maya maya, may maisakay akong may COVID-19, maya maya maiuwi ko pa sa pamilya ko. Nagdadalawang-isip din ako. Baka mapilitan kapag wala na talagang magastos,” ani Raymund.

Dagdag ni Nilo: “Kung magiging animan lang tapos ang pamasahe ganu'n din, wala rin kaming kikitain. Kaya lugi rin. Hindi pa ako interesado na bumiyahe dahil wala rin kikitain. Baka sa crude oil lang mapapunta."

May ilang tsuper naman ang namuhunan sa tibay ng dibdib at pumasada agad nang ipatupad ang general quarantine sa Batangas noong Lunes.

Kalahati lamang ng kapasidad ng mga jeepney ang pwedeng isakay dahil sa physical distancing.

Ani Bernardo Toledo, isang pasahero: “OK naman, at least safe ang mga pasahero. Tama lang panatilihin natin ang social distancing. OK lang naman, normal lang ng bayad sa pasahe.” 

Dahil sa 2 buwang lockdown dulot ng COVID-19 pandemic, naglaan ng ayuda ang gobyerno para sa mga jeepney driver at iba pang operator ng public utility vehicles na miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.