'Di alam na COVID-positive, lalaki naglibot, nakipag-inuman sa Negros Oriental

Marty Go, ABS-CBN News

Posted at Jun 04 2020 07:02 PM

Inilagay sa lockdown ang 60 mga bahay sa Purok 3, Barangay Bugnay sa bayan ng Mabinay sa Negros Oriental matapos malamang naglibot sa naturang lugar at nakipag-inuman pa sa mga kaibigan ang isang lalaking positibo pala sa COVID-19.

Ayon kay Mabinay Vice Mayor Ernie Jango Uy, ang lalaki ay kabilang sa anim na bagong kaso ng COVID-19 sa lalawigan.

Naglibot aniya ito at bumisita pa sa bahay ng apat na kaibigan bago niya nalamang positibo siya sa virus.

"So, the one na na-contact they are also neighbors so probably they are mingling also with the other household members in the said purok so that's the very reason na nilockdown namin. Initially, we locked down only 20 households but the day after, we decided to lockdown 40 more households," sabi ni Uy.

Patuloy naman ang contact tracing ng awtoridad sa mga naging close contact ng pasyente na napag-alamang isang locally stranded individual mula Bacolod City.

Sumailalim umano ito sa swab test pagpasok sa Negros Oriental pero hindi nag quarantine habang hinihintay ang resulta ng test.

Nakipag-ugnayan na ang Provincial Epidemiological Surveillance Unit sa Bacolod City Health Office para sa contact tracing.

Sa naiulat na anim na kaso ng COVID-19 noong Miyerkules sa Negros Oriental, 3 sa mga ito ay nanggaling sa Bacolod. Dalawa naman ang na-stranded sa Bacolod habang ang isa ay overseas Filipino worker na galing Manila at na-quarantine sa Bacolod.