Caretaker ng hacienda sa Negros Occidental patay sa pamamaril

Mitch Miranda Lipa, ABS-CBN News

Posted at Jun 04 2020 12:56 AM

Patay sa pamamaril ng hindi pa nakikilalang mga suspek ang isang lalaking caretaker ng hacienda sa Barangay Daga, lungsod ng Cadiz, Negros Occidental Martes ng umaga.

Sa imbestigasyon ni Police Corporal Jerry Belascuain, pauwi sa kaniyang bahay si Loreto Europa, 44, sakay ng kaniyang motorsiko nang tinambangan siya pasado alas-10 ng umaga.

Nagtago ang mga suspek sa tubuhan sakop ng Hacienda Tapos.

Binaril si Europa na nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Dinala siya sa ospital pero idineklarang dead on arrival.

Narekober sa crime scene ang apat na basyo ng mga bala ng hindi pa nalalalamang kalibre ng armas.

Tinututukan ng mga awtoridad ang personal na galit sa biktima bilang motibo sa krimen.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.