BASAHIN: Resulta ng pagbusisi ng UN sa human rights situation sa Pilipinas

Mike Navallo, ABS-CBN News

Posted at Jun 04 2020 07:57 PM | Updated as of Jun 04 2020 09:06 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA (UPDATE) — Inilabas na ng United Nations Office of the High Commissioner on Human Rights (UN-OHCHR) ang kanilang comprehensive report tungkol sa human rights situation sa bansa.

Batay sa report, higit 8,000 tao na ang napapatay sa war on drugs sa Pilipinas, kung pagbabasehan ang opisyal na datos, habang higit 200 human rights defenders, abogado, mamamahayag at mga miyembro ng unyon ang napapatay sa nakalipas na 5 taon.

Ang labis umanong pagtutok ng gobyerno sa seguridad ng bansa at pagtugon sa anti-drug campaign nito ay nauwi sa matinding paglabag sa mga karapatang pantao.

Pinuna ng UN rights office ang laganap at sistematiko umanong pagkapatay sa drug suspects, kung saan sa kaso pa lang ni Kian delos Santos may naparusahan.

Ang ilan sa police operations, walang warrant at kuwestiyonable umano ang ebidensya laban sa mga suspek.

"In the 25 reports that we examined, the serial numbers of guns that were found on drug suspects were exactly the same, which suggest that these guns may have been planted," ani Ravina Shamdasani, Philippines report team leader ng UN human rights office.

Ang dahilan nito, ayon sa UN, ay ang malabong lengguwahe gaya ng "negation" at "neutralization" sa mga circular na kapag pinagsama sa pang-uudyok ng mga matataas na opisyal sa bansa, ay maaaring isipin ng mga pulis na meron silang "permission to kill."

Pinuna rin ng report ang paninira at panggigipit sa mga kritiko, gaya ng red-tagging sa mga rights advocates na kung minsan ay nauuwi sa pagpatay, pagsampa ng kaso sa mga opposition leaders gaya nina Sen. Leila de Lima at dating senador Antonio Trillanes, ang pagkakaaresto kay Rappler CEO Maria Ressa, ang pagpapasara sa ABS-CBN.

Nagpahayag din ng pagkabahala ang UN rights office sa militarisasyon sa Mindanao at Negros pero tiningnan din nito ang ilang paglabag din ng New People's Army sa umano'y pagpatay, pagdukot, at pangingikil.

"Given the scale of the killings and other human rights violations that this report has documented, and given the failure so far of domestic remedies from bringing to justice the perpetrators, the High Commissioner is calling for an independent investigation into the situation, into the human rights situation in the Philippines," ani Shamdasani.

Ayon kay UN human rights chief Michelle Bachelet, dapat respetuhin pa rin ng Pilipinas ang karapatang pantao kahit pa nahaharap ang bansa sa iba-ibang suliranin gaya ng armed conflict, kalamidad at COVID-19 pandemic.
 
"The Philippines faces major challenges – structural poverty, inequality, armed conflict, frequent natural disasters, and now the COVID-19 crisis. It is vital the government’s responses be grounded in human-rights approaches and guided by meaningful dialogue," ani Bachelet.
 
Paalala niya, may human rights din kahit mga drug suspect at yung hindi sang-ayon sa mga polisiya ng gobyerno, maging ang mga katutubo.

"People who use or sell drugs do not lose their human rights. People who disagree with government policies and criticize them, including in international fora, should not be vilified as terrorist sympathizers. Indigenous peoples should not be victims of a tug-of-war between the state, non-state armed groups and business interests," giit ni Bachelet.

Ikinatuwa ng rights advocates sa Pilipinas ang paglabas ng report ng UN, lalo't kapapasa lang noong Miyerkoles sa Kamara ng anti-terrorism bill na pinangangambahang mauuwi sa dagdag pang paglabag.

"Mahalaga ang report kasi bina-validate ng isang independent international body ang reyalidad na merong paglabag ng karapatang pantao at [ito ay] matalim na puna o damning rebuff," ani Edre Olalia, presidente ng National Union of People's Lawyers president.

Ipepresinta ang report sa Human Rights Council sa Geneva, Switzerland kung saan inaasahan na may iba pang hakbang na gagawin.

"Pupuwedeng fact-finding mission, pupuwedeng bumisita ang mga special rapporteurs or experts, magbuo ng isang grupo ng experts on human rights, o kaya'y magtatag ng tinatawag na commission of inquiry para lalo pang malalim at mas masaklaw na maimbestiga at matigil na talaga itong mga paglabag at magkaroon ng pananagutan," ani Olalia.

Sinikap kunin ng ABS-CBN News ang panig ng Palasyo pero wala pa itong ibinibigay na pahayag.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.