6 bagong kaso ng COVID-19 naitala sa Negros Oriental

Martian Muyco, ABS-CBN News

Posted at Jun 04 2020 05:04 AM

Nagtala ng 6 bagong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Negros Oriental ngayong Miyerkoles. 

Tatlo sa anim ang nanggaling sa Bacolod City, ayon kay Bimbo Miraflor, public information officer ng probinsya.

Dalawa sa tatlong galing sa Bacolod ang na-stranded sa lungsod at sa ngayon ay nakauwi na sa bayan ng Mabinay at Vallehermoso.

Ang isa naman ay overseas Filipino worker na nanggaling sa Manila at na-stranded sa Bacolod at kasalukuyang nasa Mabinay na.

Kasama sa dagdag na bagong kaso ang dalawang mangingisda na bahagi ng 153 na crew ng barkong Phillip DR na dumaong sa bayan ng San Jose nitong Mayo 17.

Isa pang locally stranded individual na 11 anyos ang nagpositibo sa COVID-19 sa bayan ng Sibulan.

Ayon kay Dr. Liland Estacion, assistant provincial health officer ng Negros Oriental, ang tatlo sa anim na pasyente ay asymptomatic at isolated na sila sa mga quarantine facility ng probinsya.

Sa ngayon, may 15 na COVID-19 active cases sa Negros Oriental.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.