'Pagkolekta ng mga kontribusyon sa mga paaralan pinagbabawal'

ABS-CBN News

Posted at Jun 04 2019 06:33 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ipinagbabawal sa ilalim ng batas at sa bisa ng mga kautusan ng Department of Education (DepEd) ang pangongolekta mula sa mga estudyante at magulang ng sapilitang kontribusyon, ayon sa isang abogado.

Pero may ilang koleksiyong pinahihintulutan ng batas at ng mga utos ng kagawaran, basta boluntaryo o hindi pinipilit ang pagbibigay, ayon kay Atty. Noel del Prado. 

"As a general rule, pangkalahatang panuntunan, bawal mangolekta ng kahit na anong kontribusyon sa lahat ng estudyante sa pampubliko man o pribadong eskuwelahan," sabi ni Del Prado sa programang "Usapang de Campanilla" ng DZMM. 

"Mayroon lamang mga kinikilalang exceptions at itong exceptions na ito, nakabatay rin sa batas," dagdag ni Del Prado.

Kasama sa mga pinapayagang kolektahin na boluntaryong membership fee o kontribusyon ay ang sa Boy Scouts of the Philippines, Girl Scouts of the Philippines, Philippine National Red Cross, at Anti-Tuberculosis Fund Drive.

Puwede rin umanong mangolekta ng boluntaryong fee o kontribusyon para sa Parents-Teachers Association, school publication, at pagiging miyembro ng student organization ng paaralan.

Pero binigyang diin ni Del Prado na ang paniningil sa mga nabanggit ay "dapat walang pilitan."

"Kung hindi talaga kaya ng magulang at estudyante, hindi sila maaaring pilitin," aniya.

Isa sa mga pinakabagong utos ng DepEd na tumatalakay sa paniningil ng kontribusyon ang Memorandum No. 143 s. 2016 habang isa naman sa mga batas ukol sa paksa ay ang Republic Act No. 5546, ani Del Prado.

Nilinaw ni Del Prado na hindi pinapayagan ang sapilitang pangongolekta ng graduation fee o fee para sa mga field trip.

Hindi rin daw dapat magbunga ng diskriminasyon ang pagtanggi ng magulang o estudyante sa pagbigay ng kontribusyon.

"Hindi ito puwedeng gawin kondisyon para sa admission, gamiting requirement sa pag-angat sa susunod na grado, hindi rin ito puwede gawing kapalit ng mga hinihinging clearance sa mga eskuwelahan," anang abogado.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.