5 arestado sa serye ng drug ops sa Makati

ABS-CBN News

Posted at Jun 04 2019 06:10 PM

Limang lalaki ang naaresto sa serye ng mga drug operation sa Makati City noong gabi ng Lunes. Retrato mula sa NCRPO-PIO.

Limang lalaki ang naaresto sa serye ng mga operasyon kontra ilegal na droga sa Makati City noong gabi ng Lunes, ayon sa pulisya.

Dinampot alas-10 ng gabi sa Teacher's Compound, Barangay West Rembo ang suspek na si Joel Bustamante, 52 anyos.

Kasama sa drugs watch list ng nasabing barangay si Bustamante.

Nakuha sa suspek ang 12 pakete ng hinihinalang shabu na nagkakahalagang P5,500.

Nahuli sa parehong barangay bandang alas-9:20 ng gabi ang 33 anyos na si Jericho Arriola, na nakuhanan ng 27 pakete ng hinihinalang shabu.

Natimbog din ng mga awtoridad alas-10:40 ng gabi sa Barangay West Rembo sina Joedel Ortega, 31; Juanito Rosario, 32; at Kenny Yongco, 27.

Nagbenta umano ng ilegal na droga ang 3 suspek sa isang poseur-buyer kapalit ng halagang P300, ayon sa pulisya.

Nakuha sa 3 suspek ang 42 pakete ng hinihinalang shabu na nagkakahalagang P12,600.

Dinala sa Makati City Police Station ang mga suspek, na mahaharap sa mga kasong paglabag sa Dangerous Drugs Act of 2002. 

-- Ulat ni Jaehwa Bernardo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.