Lalaking nag-aayos ng tubo, patay nang matabunan ng lupa

Ria Galiste, ABS-CBN News

Posted at Jun 04 2018 07:25 PM

VIGAN CITY - Patay ang isang 25 taong gulang na lalaking empleyado ng Metro Vigan Water District matapos matabunan ng lupa habang nag-aayos ng tubo sa Barangay 1, Vigan City Sabado.

Kinilala ang biktima na si Ariel Abigania. Naisugod pa siya sa ospital pero namatay rin habang ginagamot.

Pinangunahan ng special rescue unit ng Bureau of Fire Protection ng Vigan City ang operasyon para iligtas si Abigania.

Gumamit rin sila ng backhoe para mabilis na matanggal ang lupang nakatabon sa biktima.

Ayon kay SFO1 Regie Retialo, lumambot ang lupa habang nasa hukay si Abigania.

"Lumambot ang lupa, bumigay, tapos siya, nasa baba siya. Hindi niya napansin na bumigay 'yung lupa," aniya.

Tinatayang nasa 8 talampakan ang lalim ng hukay.

Naka-half-mast ang bandila sa opisina ng Metro Vigan Water District at nangako ang pamunuan nitong tutulong sa naiwang pamilya ng biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.