Pasukan sa ilang paaralan sa Maguindanao, kanselado dahil sa baha

Arianne Apatan, ABS-CBN News

Posted at Jun 04 2017 09:18 PM

MAGUINDANAO - Kanselado ang dapat sana'y unang araw ng pasukan sa ilang paaralan sa probinsiya ng Maguindanao dahil sa baha.

Magdadalawang linggo nang lubog sa baha ang ilang mga paaralan sa probinsiya.

Sa talaan ng Department of Education Maguindanao Division Office, nasa 33 pampublikong paaralan ang apektado ng baha. Mula sa bilang na ito, 15 paaralan ang mula sa bayan ng Kabuntalan, kung saan abot sa 3,000 mga mag-aaral ang apektado.

Halos hanggang bewang ang taas ng tubig sa Taviran at Dadtumeg Elementary School.

Noong Mayo 31, isinailalim na sa state of calamity ang bayan ng Kabuntalan dahil sa pagbaha sa 17 barangay nito. 

Bagama't walang lumikas, aabot sa 4,000 pamilya ang apektado ng baha. Maging ang kanilang pinagkukunan ng kabuhayan ay nasira ng baha.

Nitong Sabado, nagpaabot na ng tulong ang lokal na pamahalaan sa mga binahang residente.

Maliban sa Kabuntalan, binaha rin ang ilang paaralan sa bayan ng Sultan Kudarat sa Maguindanao.

Isa sa mga tinutukoy na dahilan ng pagbaha ay ang pagtaas ng tubig sa mga ilog na pinalala ng pagbara ng mga water lily sa malawak na bahagi ng Rio Grande de Mindanao.

Sa darating na Lunes, nakatakdang magtungo sa mga binahang paaralan ang mga opisyal ng DepEd para tingnan ang sitwasyon ng mga ito.

Binabalak na ring maghanap ng mga alternatibong lugar kung saan maaring magdaos ng mga klase para hindi mahuli sa leksyon ang mga bata.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.