Pangasinan nakapagtala ng 9 pagkamatay sa dengue simula Enero

Joanna Tacason, ABS-CBN News

Posted at Jun 03 2020 01:33 PM | Updated as of Jun 03 2020 01:38 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

DAGUPAN, Pangasinan — Bukod sa coronavirus disease (COVID-19), nagbabala rin ang provincial health office ng lalawigang ito sa pagdami ng kaso ng mga namatay dahil sa dengue, partikular na noong nagsimula ang quarantine period.

Sa tala ng lalawigan, mula Enero hanggang sa Hunyo 1, higit 900 ang naitalang dengue cases, mas mababa kumpara sa parehong panahon noong 2019. 

Gayunman, 9 na ang namatay ngayong taon, kumpara sa 2 lang noong 2019 sa parehong panahon. 

Dengue cases sa Pangasinan mula Enero-Hunyo: 
•2020 - 958 (9 pagkamatay)
•2019 - 1,180 (2 pagkamatay)

"Ang isang napansin po talaga namin, iyong mga cases na nai-report during the quarantine period na may mga lockdown, nagkahirapan po doon sa pagbibiyahe... Kung hindi pa nasa malalang stage hindi pa pupunta sa hospital iyong ating pong kababayan," ani Dr. Anna de Guzman, provincial health officer ng Pangasinan. 

Dahil dito, isinailalim na sa dengue watch-list ang sumusunod na 4 bayan at isang siyudad:

•San Carlos City 
•Calasiao
•Binmaley
•Sta. Barbara
•Bugallon

Kaya naman nagpaalala ang provincial health office sa publiko na bukod sa pag-iingat sa COVID-19 ay palagi ring gawin ang mga sumusunod:

•Maglinis ng bahay at bakuran 

•Itaob ang mga container o bagay na puwedeng pamugaran ng lamok

•Magsuot ng may manggas na damit

•Gumamit ng insect repellent

Dagdag ng health office, huwag ipagwalang-bahala kung sakaling makaramdam ng pananakit ng ulo na may mataas na lagnat, pananakit ng kasukasuan, at rashes. 

Magpunta na raw sa pagamutan sakaling maramdaman ang mga nabanggit na sintomas. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.