Liquor ban sa Bacolod City, tinanggal na

Mark Gabriel Salanga, ABS-CBN News

Posted at Jun 03 2020 12:30 AM

Tinanggal na ang liquor ban sa Bacolod City, batay sa ibinabang executive order ni Mayor Evelio Leonardia na nagpapasailalim sa lungsod sa general community quarantine.

Lubos ang pasasalamat ng mga negosyante at umaasang makabawi sila lalo na’t sa panahon ng nasa enhanced community quarantine ang lungsod, wala silang kita.

Mahigit sa 150 cases ng beer sa kada araw ang mabebenta ni Jorge Martinez na isang wholesaler ngunit noong isinailalim sa enhanced community quarantine ang Bacolod, sa pagbebenta na lamang siya ng softdrinks bumabawi.

Mga 60 percent ng kanyang sales kada araw ang nawala kaya ngayong tinanggal na ang liquor ban, inaasahan ni Martinez na babalik sa normal ang kanyang kita.

"Baka ngayon makbawi na kami," ani Martinez.

Noong nagsimula naman ang community quarantine, 90 percent ang nawala sa kita ng bar and restaurant ni Nerelon Libaton na may pwesto sa gilid ng Bacolod Government Center.

Sa mga take-out order na lamang ng kanilang seafood sila umasa.

Aniya tuloy ang bayad sa renta at may apat silang tauhan na siniswelduhan.

Kada buwan, P95,000 ang kanyang binabayarang operational expense kaya ngayon tuloy ang negosyo at kahit papano positibo siyang makabawi muli.

Mahigit dalawang buwan ipinatupad ang liquor ban sa Bacolod.

Paliwanag ni Leonardia, nakasaad sa executive order na dapat may physical distancing at hindi maaaring lagpas 10:00 ng gabi ang pagbenta ng alcoholic drinks dahil mananatili ang curfew hanggang 4:00 ng madaling araw.

Dagdag pa niya, ang susuway ay maaaring maaresto at pwedeng ipasara ang tindahan.

Sa executive order number 39, pinapahintulutan ang pag-inom sa mga pampublikong lugar gaya ng bar at restaurants pero dapat sumunod pa rin sa health protocols ng lungsod, kasama na rito na dapat 50 percent lamang ng building capacity ang pwedeng makapasok sa bar or resto.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.