Bentahan ng maseselang private video sa Twitter iniimbestigahan ng NBI

Niko Baua, ABS-CBN News

Posted at Jun 03 2020 07:45 PM | Updated as of Jun 03 2020 09:05 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Lumutang sa National Bureau of Investigation (NBI) ang mga binatang nakunan ng maselang video ng kanilang ka-chat at ibinebenta na ngayon sa social media. 

Nagdesisyon na magsampa ng reklamo sa NBI sina alyas "Mike" at "James" matapos madiskubreng kumakalat ang kanilang maselang video sa Twitter.

Ayon kay James, naging makulit ang kaniyang ka-chat na babae sa isang dating app na nagpadala ng mga maselang retrato at video kaya pumayag din siyang makipag-video chat.

Nagulat na lang siya nang biglang lumabas sa Twitter ang video niya.

"Grabe ang anxiety ko non, ayaw ko maniwala na ako 'yon kasi three years ago pa," ani James.

Ganon din ang nangyari kay Mike na noong Nobyembre nangyari ang video chat. 

Sa parehong insidente, nawala na lang bigla ang kanilang ka-chat nang kumalat ang video.

"Hiya pati takot, nahihiya na tingnan nila ako nang ganon na lang. Natatakot ako na i-judge ako ng pamilya ko o kahit sinong kilala ko," sabi ni Mike.

Pero ngayong lockdown, lalo raw ito kumalat, at nadiskubre na binebenta ang kanilang video sa halagang P300 kasama ng iba pang mga biktima.

Ang iba, mga celebrity o tulad nilang mga pribadong indibidwal. 

"There were times na you'd think about your life. Ito na lang ba ako? Hanggang dito na lang ba ako? Mentally kinakain ka eh," ani Mike.

Paliwanag ng dalawa, walang masama sa dating apps, pero huwag agad magtiwala sa ka-chat.

Inuumpisahan na ng NBI ang pag-iimbestiga sa kaso at nagbabala laban sa mga nagkakalat ng ilegal na video.

Sa hearing sa Kongreso, sinabi ng pulisya na naging oportunidad ang pandemic sa mga online sex offenders na mag-stalk, mag-groom at i-exploit ang mga bata online.

Binabantayan ng mga awtoridad ang posibilidad na pagdami ng mga batang biktima ng sexual exploitation ngayong maraming bata ang nakababad sa internet. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.