Umento sa sahod ng mga guro ipinanawagan sa unang araw ng pasukan

ABS-CBN News

Posted at Jun 03 2019 06:20 PM | Updated as of Jun 03 2019 08:42 PM

Kasabay ng pagbubukas ng klase sa mga pampublikong paaralan, nanawagan sa gobyerno ang isang grupo na taasan ang sahod ng mga guro.

Sa protestang idinaos ngayong Lunes sa Mendiola, Maynila, hiniling ng grupong Alliance of Concerned Teachers (ACT) na taasan ang sahod ng mga guro sa lalong madaling panahon dahil isa raw ito sa mga pangakong paulit-ulit na hindi natutupad ng gobyerno, at para mapigilan na rin ang paghahanap ng mas maraming guro ng trabaho sa ibang bansa.

Ayon sa mga miyembro ng ACT, dapat itaas sa 16,000 kada buwan ang starting salary ng mga Salary Grade 1 Teacher, P30,000 sa mga Teacher 1, at P31,000 sa mga Instructor 1.

Nasa P20,754 ang kasalukuyang sahod ng Teacher 1 na, ayon sa mga miyembro ng grupo, hindi sapat para buhayin ng mga guro ang kanilang mga pamilya.

Bagaman may inilalaan ding P3,500 pondo ang gobyerno para sa instructional materials, marami pa ring guro ang kumukuha sa sariling pera ng pambili ng mga kagamitan sa silid-aralan, ayon kay ACT secretary general Raymond Basilio.

"Napakaliit ng halagang ito [P3,500] at hindi sasapat sa pangangailangan ng mga kasama natin bilang teachers," ani Basilio.

May ilang estudyante ring nakiisa sa protesta na hiniling ang pag-alis sa K to 12 program at mandatory Reserve Officers' Training Corps.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ayon kay Education Secretary Leonor Briones, kailangan pang pag-aralan ang hiling na umento dahil hindi biro ang dagdag na P10,000 sa halos isang milyong guro sa buong bansa.

"Sabi ng DBM (Department of Budget and Management), gumagawa sila ngayon ng study, hindi lamang ang suweldo ng teachers ang pinag-aaralan kundi ang suweldo ng buong public sector," ani Briones.

"It will cost us P150 billion to add P10,000 to the salaries of our school teachers," dagdag ng kalihim.

Tiniyak naman ng Malacañang na hindi nakakalimutan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pangakong dagdag-sahod sa mga guro.

Inatasan ni Duterte ang mga economic manager para mangalap ng pondo para maibigay ang dagdag-sahod sa mga guro, ayon kay Presidential spokesperson Salvador Panelo.

Dagdag pa ni Panelo, kahit maglabas ng executive order ang pangulo ay hindi ito uubra kung walang pondong pagkukuhanan.

--Ulat ni April Rafales at Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.