Bawas-presyo sa mga produktong petrolyo simula Hunyo 4

ABS-CBN News

Posted at Jun 03 2019 12:24 PM | Updated as of Jun 03 2019 09:56 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA (UPDATE) - Nag-anunsiyo ang ilang kompanya ng langis na magkakaroon ng bawas-presyo ang produktong petrolyo simula Martes, Hunyo 4.

Ayon sa PTT Philippines, Total, Shell, Seaoil, Caltex, at Flying V, babawasan nila ng P1.70 ang presyo ng kada litro ng gasolina at P1.05 naman sa kada litro ng diesel.

Tatapyasan din ng Caltex, Shell, Seaoil, at Flying V ng P1 ang kada litro ng kanilang kerosene.

Epektibo ang mga bagong presyo simula alas-6 ng umaga maliban sa Seaoil at Caltex na magpapatupad alas-12:01 ng hatinggabi.

Bumaba ang presyo dahil sa epekto ng trade war ng Amerika at China, na posibleng nagpahina sa demand o pangangailangan sa langis, ayon sa mga eksperto.

Mula Enero hanggang Hunyo 4, P8.74 hanggang P8.79 na ang iminahal ng kada litro ng gasolina, P6.49 sa diesel, at P3.67 sa kerosene.

'UNBUNDLING ORDER,' ILALATHALA NA

Samantala, ilalathala na ng Department of Energy (DOE) ang "unbundling order" o iyong paghimay ng presyo ng petrolyo.

Nakatakdang ilathala ang utos sa loob ng 2 linggo at magiging epektibo makalipas ang 15 araw.

Kasama sa mga hihingin ng DOE sa mga kompanya ng langis ang presyo ng imported na petrolyo, freight, tax, biofuels, at kita ng kada kompanya.

Nilinaw ng DOE na hindi nila ibubulgar sa publiko ang detalye ng presyuhan ng kada kompanya.--Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.