14 na paaralan sa Itogon, nasa landslide-prone area

Justin Aguilar, ABS-CBN News

Posted at Jun 03 2019 08:45 PM

ITOGON, Benguet - Nasa 14 na paaralan sa bayan ng Itogon sa Benguet ang nasa landslide-prone area.

Matapos ang Bagyong Ompong noong nakaraang taon, isang rapid assessment test ang isinagawa ng Mines and Geosciences Bureau.

Sa resulta, lumalabas na 14 na paaralan sa munisipyo ng Itogon ang pasok sa landslide-prone area.

Nakitaan ng mga bitak sa mga gusali at tension cracks sa mga sahig ang mga ito. Natukoy rin na delikado sa pagguho at pagyanig ang ilang mga paaralan.

Kabilang sa mga paaralang pasok sa landslide-prone area ang Manganese Elementary School, Ampucao National High School at Elementary School, Dalicno Elementary School sa Barangay Ampucao; Acupan Elementary School at Balatoc Elementary School sa Barangay Virac; Alejo Pacalso National High School at Pacalso Elementary School, Tuding Elementary School, at Baguio Gold Elementary School sa Barangay Tuding; Goldfield Elementary School, Solomon Solano Elementary School sa Barangay Poblacion; Loacan National High School, Loacan Elementary School, at Tocmo Elementary School sa Barangay Loacan at Midas Elementary School sa Barangay Ucab.

Para sa ilang school head ng mga napabilang sa listahan ng MGB, hindi umano maaalis sa kanila ang pagkabahala.

"Ang instruction kasi sa main, 'pag ganun na may bagyo o malakas ang ulan, dapat mainform 'yung mga bata na possible you stay home kasi delikado 'yung site,” ani Benjamin Fianza, school head ng Pacalso Elementary School.

Hamon umano para sa mga guro ang pagpapanatiling ligtas ang kanilang mga estudyante.

"It affects them knowing that 'di sila safe, magkakaroon yun ng possible psychological effect sa mga bata, instead of learning to the optimum or to the maximum capability, pwedeng madegrade yung kanilang psychological condidtion when it comes to learning,” ani Jim Alberto, Teacher I sa Ampucao National High School.

Nagbigay ang MGB ng mga rekomendasyon sa mga paaralan.

“Pag umuulan kapag malakas ay temporarily suspend 'yung klase and then alam naman natin na 'yung usual na ginagamit 'yung school for temporary evacuation, hindi naman ni-rerecommend,” ani Benigno Cesar Espejo, OIC ng Geosciences Division ng MGB Cordillera.

Ang pangmatagalang solusyon umano, ilipat sa ligtas na lugar ang mga paaralan. Ang problema, halos buong munisipyo ng Itogon ay lumalabas na landslide prone ayon sa MGB.

“They would like to transfer all those but the thing is the whole community will be transferred, just in case. That one locality that is in danger zone. So in coordination with the LGU, they looking for a safe area,” ani Nestor Bulayo, Assistant Schools Division Superintendent ng Benguet.

Humiling na ang lokal na pamahalaan ng Itogon sa Regional Development Council o RDC ng re-assessment ng geological study ng MGB.

Nitong Abril, lumapit na ang RDC sa Philippine Institute of Civil Engineers.

“Ininvite natin sila to give yung second opinion, so hanggang nayon hindi pa rin po tapos yung ating assessment,” ani Albert Mogul ng Regional Director ng OCD-CAR.

Sa resulta ng nasabing re-assessment nila ibabase ang susunod na magiging hakbang ng lokal na pamahalaan ng Itogon para sa 14 na paaralan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.