Trabaho sa munisipyo ng Igbaras, naantala dahil sa COVID-19

Joyce Clavecillas, ABS-CBN News

Posted at Jun 02 2020 09:38 PM

IGBARAS, Iloilo--Pansamantalang inihinto muna ang trabaho at transaksyon sa bayang ito matapos magkaroon ng exposure ang mga empleyado nito sa isang kumpirmadong kaso ng COVID-19.

Mahigit 150 na mga empleyado ang naging person under monitoring (PUM) dahil may exposure ang mga ito sa isang konsehal ng bayan na nagpositibo sa COVID-19. 

Paliwanag ni Mayor Jaime Esmeralda sa panayam ng ABS-CBN News: "Practically, halos lahat ng empleyado na naka-contact sa kaniya sa few days na bumalik siya sa munisipyo. Mga 3/4 siguro base sa contact tracing namin, 3/4 ng mga empleyado ang sinubmit na PUM."

Mayo 27 nang isinagawa ang unang test sa konsehal at iba pang empleyado bilang bahagi ng mass testing sa bayan.

At nang lumabas ang resulta, tanging ang konsehal lang ang nagpositibo pero asymptomatic ito.

Ayon kay Esmeralda, self quarantine na ang opisyal at ang pamilya niya.

Nitong Martes, muling kinunan ng swab sample ang konsehal upang masiguro nga kung positibo ito sa sakit. Kinunan na rin ng swab samples ang mga may exposure sa opisyal.

Nagsagawa na ng disinfection sa munisipyo at ayon kay Esmeralda babalik lang ang trabaho sa munisipyo kapag lumabas na ang resulta ng kanilang RT-PCR test at makompirma na walang local transmission sa bayan.

Ito ang unang kaso ng COVID-19 na naitala sa Igbaras.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.