Panukalang batas na naglalayong taasan ang election campaign expenses limit, lusot sa Kamara

Zandro Ochona, ABS-CBN News

Posted at Jun 02 2020 01:07 AM

Lusot na sa huli at ikatlong pagbasa ang panukalang batas na naglalayong taasan ang election campaign expenses limit ng mga kandidato at political parties.

Sa botong 213 na yes, 6 na no, at isang abstention, lusot na sa Kamara ang House Bill 6095 na nagsasaad na mula P10 kada botante, itataas ang limit sa P50 kada botante para sa presidente at bise presidente

Sa kanyang explanation of vote, sinabi ni Gabriela Rep. Arlene Brosas na “lilikha ito ng dagdag na bentahe sa mga pulitikong may rekurso sa paglahok sa eleksyon habang lalong dehado ang mga ordinaryong mamamayan na sasabak sa pulitika.”

“Mula sa P10 na limit kada botante halimbawa, itataas ang limit patungong P50 kada botante para sa halalan sa pagka-Presidente at Bise Presidente. At pwede pa itong tumaas depende sa implasyon batay sa panukala,” ani Brosas.

“Totoong hindi automatic na pera ang nagpapanalo sa isang kandidato sa eleksyon. Subalit sa kasaysayan ng eleksyon ng Pilipinas, malinaw ang mahahangong punto: susi ang rekurso at makinarya para mahalal sa posisyon,” dagdag pa niya.

Ang dapat unahin aniya ay ang pagiging patas sa mga kumakandidato malaki o maliit man ang pangalan nito.

“Totoong hindi automatic na pera ang nagpapanalo sa isang kandidato sa eleksyon. Subalit sa kasaysayan ng eleksyon ng Pilipinas, malinaw ang mahahangong punto: susi ang rekurso at makinarya para mahalal sa posisyon,” aniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.