Bangkay ng nawawalang tindero ng gulay, natagpuan sa Batangas

April Magpantay, ABS-CBN News

Posted at Jun 02 2020 11:37 PM | Updated as of Jun 03 2020 12:01 AM

AGONCILLO, Batangas - Sa masukal na bahagi ng Sitio Dita sa Barangay San Jacinto, Agoncillo, Batangas natagpuan na nakabaon sa lupa ang bangkay ng isang tindero ng gulay na nauna nang napaulat na nawawala.

May tama ng bala sa ulo at wala nang saplot sa katawan ang biktimang si Victorino de Roxas. Nawawala rin ang motorsiklo ng biktima.

Nitong Lunes, mga tsinelas lamang ng biktima, tindang mga gulay at ang bakas ng dugo sa tabing kalsada ang natagpuan, kaya naiulat na nawawala ang biktima.

“Hindi naman po namin alam na aksidenteng, may patayan na pala. Ang alam po namin may kabanggaan lang kaya may mga dugo," ani Emanuel De Roxas, pamangkin ng biktima.

“Hinanap po nang hinanap tapos 24 hours na nga pong hinanap po," dagdag pa ni Hilaria Sales, kapatid ni Victorino.

Nitong Martes ng umaga, natagpuan na ng mga kaanak ang bangkay ng biktima.

Mga bakas ng pinag-ikutan ng sasakyan ang nagturo raw sa kanila sa maaaring kinaroonan ni Victorino.

“May kanto po kasi doon eh may bakas ng sakayan eh pinuntahan po namin eh baka sakali nga nandoon. Tapos nung pinuntahan po naming sa padulo po, pinagbalingan na lang po ng sasakyan ang inabutan namin tapos po ng balik namin na may pinagbugnusan po sa 'di kalayuan…Ano lang po 'yun parang isang kanto, medyo malinis kaya pinasok namin tapos yung ibang mga kasama ko, nakakita ng parang patak ng dugo…Pinuntahan po namin tapos parang medyo malinis, parang pinaghukayan…Pero hindi po namin agad hinukay kasi kailangan daw may pulis," kuwento ni Emanuel.

Kilalang naglalako ng gulay ang biktima sa kanilang barangay katuwang ng asawa ngunit noong araw na nangyari ang krimen ay wala raw itong kasama.

“Nakikita namin na nagtitinda siya ng gulay nadaan sa aming tapat. Namimili sya ng gulay para panlako niya. Dati po ‘yun magkasama mag-asawa ay nagkataon po nung oras na ‘yun, 'yun nga lang lalaki ang namili," ani Kagawad Jose Sanggalang ng Barangay San Jacinto.

Hustisya ang panawagan ng mga kaanak ng biktima.

“Pinatay nang walang laban. Naghahanapbuhay, pinutol ang buhay. Ang mga anak ay daming-dami, nag-aaral sa ama lang naasa. Pinutol pa nila ang buhay ng anak ko. Wala silang awa. Pusong hayop, hindi pusong tao ang ginawa nila sa anak ko," ani Marciana De Roxas, ina ng biktima.

“Hindi man lang po sila nahabag dahil po yun po ay naghahanapbuhay pero ngayon po ay pinatay na nga po inilayo pa po siya hanggang ‘yung sasakyan niya, dinala pa rin po. Hindi man lang po siya nahabag," dagdag pa ni Hilaria.

Blangko ang pamilya De Roxas sa motibo sa krimen.

Ayon naman sa pulisya, may mga tinitingnan na umano silang anggulo sa krimen.

“Siya po ay ano sa robbery po ng mga kambing. Siya po ay isa po doon sa kanilang barangay na nagnanakaw po ng mga kambing dati. Ewan ko na lang po ngayon. Yan ho dati ay nahulihan din po namin ng baril dati po. Tapos 'yan po ay ano rin po sa drugs noon pong mga nakaraan. Kaya po marami po kaming anggulong tinitingnan," paliwanag ni Police Staff Sergeant Joseph Alcones ng Agoncillo Police.

Depensa naman ni Hilaria, nagbagong buhay na ang kaniyang kapatid.

“Ang akin pong kapatid ay siya po ay nagbago at inaasikaso na niya ang pamilya niya na," aniya.

Patuloy pa ang imbestigasyon sa nangyaring pagpatay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.