Failon Ngayon: Sextortion

ABS-CBN News

Posted at Jun 02 2019 12:45 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Simpleng kwentuhan lang naman ang hanap noon ni alyas Romina kung kaya’t lagi siyang nasa social media, dinadapuan kasi siya ng kalungkutan dahil sa pangungulila sa pamilya. Kahit papaano, ito raw ay pinawi ng kanyiang nakilalang lalaki sa social media.

Makalipas ang maikling panahon ng panliligaw, nahulog na ang loob ni Romina sa lalaking nakilala niya sa social media at naging mag boyfriend at girlfriend ang dalawa. Pero makalipas nga ang ilang buwan, unti-unti nang nabago ang pakikitungo nito sa kanya. At sa pagtabang ng kanilang relasyon, nagdesisyon si Romina na hiwalayan ang lalaki.

Kwento ni Romina: “Nu’ng nakipag-break na’ko sa kanya, nag-chat siya sa’kin na kapag hindi ako nakipagkita at makipagtalik sa kaniya ikakalat niya ’yung picture ko. Nu’ng una, ayaw ko pero sabi niya titigil daw siya kapag sinunod ko siya. Hinatak niya ako sa isang motel, hindi ko na rin alam bakit ako nagdesisyon ng hindi tama.”

Matapos ang unang pangyayaring ito, nasundan uli ito at sa pangatlong pagkakataon at sa pangatlong pag-aaya ng kanyang ex-boyfriend, nagsumbong na siya sa kaniyang kaibigan at ikinukwento ang kababuyang ginagawa sa kaniya. Dahil nagsagawa ng entrapment operation ang awtoridad, natimbog ang suspek.

Ang kwentong ito ni Romina ay madalas na nga nating naririnig sa balita. Ayon sa Philippine National Police Anti-Cybercrime Group, maikakategorya raw ito bilang robbery extortion at "sextortion." Paliwanag dito ni Police Captain Artemio Cinco, spokesperson ng PNP Anti-Cyber Crime Group: “Sextortion, derive siya sa extortion. ’Pag sinabi natin extortion by force you are asking someone for exchange of something, kaya natin sinasabing sextortion ’yung modus by way of acquiring nude photos or videos of someone and using that to treat that someone na ipakalat mo ito online kapalit ng sexual intercourse.”

Higit 200 kaso nga ng robbery extortion at sextortion ang naitala sa kanilang opisina noong isang taon. Mabilis makakuha ng biktima dahil na rin sa paglawak ng paggamit ng social media sa bansa.

Sa kaso nga ng ex-boyfriend ni Romina, gumawa pa ito ng fake account para makakuha ng mabibiktima. At para mahikayat ng mga manlolokong ito ang kanilang mga biktima na magpadala ng mga nude photos ay nagpapadala rin ang mga ito ng mga gwapong retrato o ’yung mga retratong ginagamitan ng online grooming para maka-engganyo.

Dagdag ng PNP-ACG may 4 na paraan nga raw para makapag-extort o sextort. Paliwanag ni Cinco: “May ilang paraan kung paano nagiging biktima sila. Unang-una, meron silang past relationship nagkakaraon ng sexual act. Kapag nag-break na pinatatakot nila ito to win back the other party or nanghihingi sila ng pera. Second, na-hack ang kanilang social media account. But it always asks for the participation ng victim. Meron din ’yung modeling scam, maraming naghahanap ng trabaho nagpapanggap sila na modeling agent until ma-lure kang mag-send ng actual nude photo mo. And ’yung isa pa, you meet someone from the social media na nagiging magkaibigan kayo until nagkaron kayo ng trust at manghingi siya ng nude photos and that always results to sextortion or extortion.”

At ang sextortion, hindi lang namamagitan sa pagitan ng lalaki at babae. Maaari din ito mamagitan sa parehong kasarian. 

Paliwanag uli ni Cinco tungkol sa sextortion: “When we say sextortion, it’s under the robbery case under the revised penal code. Most of the time kapag may nahuhuli kami hinuhuli namin sila sa robbery extortion pero kapag nakitaan namin sila ng nude photos we also charge them ng RA 9995, it’s a totally different case. The anti-photo or video voyeurism, ito naman ay pumapaloob naman sa ’pag-a-acquire ng mga nude photos or videos ng someone which is punishable by law, 6 years of imprisonment once you commit it in relation sa cybercrime tumataas ito ng 1 degree so you can be penalized of imprisonment of 12 years and above. Robbery extortion is the same.

Ayon naman kay Michelle Valdez, executive officer ng NBI Cybercrime Division tungkol sa voyeurism: “Sa voyeurism talaga nagsisimula itong sextortion o extortion. Hindi naman sila ma-e-extort kung walang nude photo.”
 
Halos 200 kaso naman ang hinahawakan ngayon ng PNP-ACG PNA lumabag sa Anti Photo and Video Voyeurism Act.

Nitong nakaraan linggo nga lamang ay naging usap-usapan ang 6 na estudyante mula sa Philippine Science High School na nasangkot sa pagpapakalat ng maselang larawan ng kanilang mga kaklase. Dahil dito, hindi pinagmartsa ng pamunuan ng Pisay ang mga estudyanteng sangkot.

Ayon sa psychologist, kadalasan daw ay nauunahan ng takot kaya’t hindi kaagad nakakapagsumbong ang mga biktima ng sextortion at voyeursim. “Unang una ang mga biktima ay usually ay mga menor de edad. Can you imagine na tine-terrorist sila ng mga offender? Another is guilt and shame. It’s very important to get help right away,” paliwang ni Dr. Randy Dellosa.

Dagdag pa ni Cinco: “Hindi ito birong offense. There is no way na ma-solve nila ito on their own. It’s better from the very start mag-report na sila. Huwag sila maniniwala na ide-delete ko in exchange of money. Huwag kayong magdalawang-isip mag-report sa’min because we observe gender sensitivity so, if you are female victim, a female police officer will help you. Walang makakakita niyan. It is purely confidential. Hindi ’yan makikita ng kahit sinuman. We are open 24 hours a day, 14 regional offices, Pwede niyo kaming tawagan sa numerong 414-1560. Pwede niyo din puntahan ang aming social media account, PNP-Anti Cybercrime Group. We should never use social media sa pag-store ng nude photos. Sa mga magkarelation, sigurado ka ba na OK kayo after? At maaari din na ma-hack ka. If we provide opportunity, we remove the chances na maging biktima.”

Paalala naman ni Dellosa sa mga magulang: “Kung menor de edad pa ang kanilang mga anak, dapat ay may access pa din sila sa mga social media, email, kasi under guidance pa sila. Dapat turuan sila kung ano ang cyber extortion o ’yung voyeurism para alam na nila. Sa mga parents na nabiktima ang mga anak nila na sa time na ’yun na terrified ang mga anak nila and instead of i-judge sila pagalitan ang importante ay bigyan sila ng sense of safety para makapag open up sila.”

___

Sa mga isyung lahat tayo may pakialam, manood na ng FAILON NGAYON tuwing Sabado pagkatapos ng Pinoy Brother Otso alas-11 ng gabi sa ABS-CBN! 

Mapapanood ang replay ng FAILON NGAYON sa ANC tuwing Linggo, alas-2 ng hapon. 

Mag-kumento at ipahayag ang inyong saloobin sa aming official Facebook pages, https://www.facebook.com/failon.ngayon.fanpage.
 
I-follow din ang Failon Ngayon sa aming official Twitter account sa https://www.twitter.com/Failon_Ngayon o @Failon_Ngayon at gamitin ang hashtag na #FailonNgayon.

Maaari ding mapanood ang ibang segments at episodes ng Failon Ngayon sa Youtube at iwant! Bisitahin lamang ang www.youtube.com/abscbnnews at ang www.iwant.ph