DOLE may alok na puhunan sa mga nais magsimula ng negosyo

ABS-CBN News

Posted at Jun 02 2019 04:25 PM | Updated as of Jun 02 2019 06:16 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Paggawa at pagbebenta ng iba't ibang sculpture gawa sa alambre ang hanapbuhay ni Lito Malaggay ng Baguio City.

Gamit ang sariling imahinasyon, natutunan niyang gumawa ng obra na kung tawagin ay "wire art."

Napaunlad niya umano ang kaniyang negosyo sa bisa ng ayudang ipinagkakaloob ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Aniya, naglakas loob na lang daw siyang magtungo sa tanggapan ng gobyerno sa pag-asang may tutulong.

Sa ginanap na "Kabuhayan Awards" ay isa si Malaggay sa mga ginawaran na benepisyaryo ng DOLE Integrated Livelihood Program o "Kabuhayan Program"

Sa programang ito, nagbibigay ng puhunan ang DOLE sa mga kalipikadong benepisyaryo.

Aabot sa P20,000 puhunan ang alok ng programa sa isang indibidwal na nais magsimula ng maliliit na negosyo.

Nasa P250,000 naman ang alok sa mga organisadong grupo na may 15 hanggang 25 na miyembrong magtutulong-tulong sa isang livelihood initiative.

Aabot sa P500,000 naman ang maaaring alok sa mga grupong may 26 hanggang 50 miyembro, habang P1 milyon naman ang maaaring puhunan para sa mga grupong may higit 50 miyembro.

Noong 2018, higit sa 80,000 benepisyaryo ang napagkalooban ng puhunan sa ilalim ng programa.

"Tayo po kasi ay proposal tendering so first-come-first-serve basis. Dapat masipag tayo kaya hina-heighten natin 'yung level of awareness ng public na meron tayong ganitong livelihood i-avail natin," ani Ma. Karina Perida Trayvilla, direktor ng Bureau of Workers with Special Concerns.

Naglunsad din ng website ang DOLE para matulungang magbenta ng produkto ang mga benepisyaryo ng programa.

Operational na ang website, pero pinupunan pa raw ito ng iba't ibang produkto na maaaring mabili online.

Para sa mga interesado, maaaring magtungo sa mga regional office ng ahensiya o kaya sa malapit na Public Employment Service Office sa lugar.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.