7 sugatan sa pagsabog ng LPG sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Jun 02 2019 11:46 AM | Updated as of Jun 02 2019 04:03 PM

Nakunan ng CCTV ang pagsabog sa water refilling station sa Gastambide St., Screengrab

MAYNILA (UPDATE) - Aabot sa pito ang sugatan matapos ang malakas na pagsabog sa isang milk tea house sa Barangay 400 sa Sampaloc, Maynila ngayong Linggo.

Ayon kay Barangay chairman Wilma Taguba, alas-otso ng umaga nang makarinig sila ng malakas na pagsabog na parang bomba sa isang milk tea house sa Gastambide St.

Matinding pinsala ang inabot sa pagsabog ng isang water refilling station na katabi lang ng milk tea house.

Napinsala rin ang 10 na sasakyang malapit sa pagsabog at nagkabasag-basag din ang salamin ng harapan ng Mary Chiles General Hospital.

Sumingaw na tangke ng LPG ang tinitingnang dahilan ng pagsabog, ayon sa Manila Police District.

Minor injuries lang umano ang tinamo ng mga nasugatan.

Pansamantalang isinara naman ang kalsada matapos magkalat ang mga bubog at debris rito.

Isa sa mga nasugatan si alyas Niel, na nasa harap ng water refilling station nang mangyari ang pagsasabog.

Ayon kay National Capital Region Police Office chief Guillermo Eleazar, hindi konektado sa kahit anong terror attack ang nangyaring pagsabog.

Iniimbestigahan pa ng pulisya ang halaga ng mga napinsalang ari-arian at kung sino ang mga dapat managot sa nangyaring pagsabog.

-- Ulat nina Henry Atuelan at Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.