ALAMIN: Pantay na minimum wage sa bansa, posible ba?

ABS-CBN News

Posted at Jun 02 2018 07:43 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kamakailan ay humirit ang ilang mga labor group ng pantay-pantay na minimum wage para sa lahat ng manggagawa sa buong bansa.

Ito ang usaping tinalakay sa programang "Usapang de Campanilla" sa DZMM.

Sa kasalukuyan ay nasa P512 ang minimum wage sa Metro Manila at mas mababa naman sa mga probinsiya. 

Ang pagkakaiba ng suweldo ay nakabase sa pagsusuri ng Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPBs) na mayroong sangay sa bawat rehiyon ng bansa.

Ang RTWPBs ay binuo sa pamamagitan ng Wage Rationalization Act.

Nabuo rin mula sa batas na ito ang National Wages and Productivity Commission (NWPC) na nagsisilbing consultative body ng presidente sa mga isyung may kaugnayan sa sahod.

"Kung magkakaroon ng meeting ang lahat ng miyembro ng Tripartite sa pamumuno ng National Wages and Productivity Commission at sabihin nilang 'Okay na buong Pilipinas na ang P512' then magkakaroon ng recommendation ang Tripartite," ani Atty. Claire Castro.

Maaaring ipadala sa presidente ang mabubuong rekomendasyon.

Dagdag ni Castro, ang pagkakaiba ng suweldo sa bawat rehiyon ay nakabase sa ilang panuntunan at pag-aaral kabilang ang kapakanan ng mga manggagawa at cost of living sa bawat lugar.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.