Umano'y illegal recruiter timbog sa Davao City

Vina Araneta-Pilapil, ABS-CBN News

Posted at Jun 01 2019 03:10 PM

CIDG XI

DAVAO CITY - Arestado ang isang hinihinalang illegal recruiter dito sa lungsod Biyernes matapos maghain ng reklamo ang 6 na kaniya umanong nabiktima.

Isinagawa ang entrapment operation laban sa 33-anyos na suspek sa isang kainan sa San Pedro extension.

Ayon sa mga nagsampa ng reklamo, hiningan umano sila ng suspek ng tig-P15,000 upang ayusin ang kanilang mga passport at hanapan sila ng trabaho sa Middle East.

Ngunit ayon sa mga awtoridad, walang lisensya ang naturang suspek upang mag-alok ng trabaho sa abroad.

"The suspect has prior engagement and transactions [with the] complainants. She was giving false hopes," ani Police Major Milgrace Driz, team leader ng Criminal Investigation and Detection Group sa Davao region.

Itinanggi naman ng suspek ang mga paratang laban sa kaniya.

"Hindi iyon totoo. Tinutulungan ko lang sila," aniya.

Sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 10022 o ang Migrant Workers and Overseas Filipinos Act ang suspek.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.