SOCO: Dalagang biktima umano ng frat natagpuang agnas sa kuweba

ABS-CBN News

Posted at Jun 01 2019 03:16 PM | Updated as of Jun 01 2019 03:36 PM

 

Naaagnas na nang matagpuan ang bangkay ng isang 17 anyos na babae sa bukana ng isang kuweba sa Barangay Balabag sa Malay, Aklan noong Abril 30, 2011.

Base sa awtopsiya, matinding pinsala sa ulo ang ikinamatay ng biktimang si alyas "Aprilyn." May mga nakita ring palatandaan na hinalay ang dalagita bago ito pinaslang.

"Iyung itsura po ng patay ay hindi na siya makilala... 'Yung mukha niya is tabingi na dala siguro na binagsakan siya ng mga malalaking bato. Pag na-touch po 'yung balat niya, natatanggal na rin," ayon sa investigator on case na si Police Senior M/Sgt. Emily Calixtro-Roldan.

Noo'y naging palaisipan para sa mga awtoridad kung paano sinapit ng biktima ang kalunos-lunos na krimen. Makalipas ang ilang buwan, lumutang ang isang babaeng testigo.

Ayon sa testigo, gabi noong Mayo 26, 2011 nang sumama sa inuman ang dalagita kasama ang ilang lalaki na miyembro ng fraternity. 

"According sa witness natin, 'yung gabi na 'yun, nag-aaya sila ng tagay at initiation," sabi ni Calixtro-Roldan.

Bandang madaling araw daw nang magtungo ang grupo sa isang kubo para isagawa ang initiation rites.

"According sa witness, 'yung biktima ay willing pumasok sa fraternity... Pinapili siya kung sarap o hirap. 'Yung napili ng bata 'yung sarap daw sabi ng witness. Eh parang di matanggap ng bata na hinahalik-halikan. Nagpumiglas, tumakbo 'yung bata," pagsasalaysay ng pulis.

Mabilis raw na tumakbo si Aprilyn para makatakas ngunit inabutan siya ng mga miyembro ng fraternity at pinukpok siya sa ulo.

Nang mawalan ng malay ang biktima, pinagtulungan raw siyang buhatin ng mga lalaki at dinala sa loob ng kuweba para pagsamantalahan at saka tinabunan ng bato.

Dahil sa salaysay ng testigo, nakilala ang mga lalaking sangkot sa krimen na sina Joseph Onate, Rodel Gelito, at lima pa. Kinasuhan sila ng rape with homicide.

Nobyembre 2012 nang mahuli ng mga kawani ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group sina Onate at Gelito. Itinatanggi ng dalawa ang pagkakadawit sa krimen. 

Makalipas ang 8 taon, hindi pa nahuhuli ang ibang suspek kaya patuloy na nananawagan ng hustisya ang ina ng biktima.

"Hindi ko talaga sila mapapatawad sa ginawa nila sa anak ko. Kasi sobra-sobra talaga 'yung ginawa nila sa anak ko. Huwag nilang gawin sa iba kasi masakit talaga sa isang ina na hanggang ngayon nagluluksa pa rin," panawagan ng nanay na si alyas "Haydee."

Mapapanood ang buong kuwento sa “SOCO: Scene of the Crime Operatives” mamaya, 4:15 p.m. pagkatapos ng “Ipaglaban Mo!” sa ABS-CBN.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.