Mga guro umaaray sa kulang na supplies, classroom sa nalalapit na pasukan

ABS-CBN News

Posted at Jun 01 2019 05:42 PM | Updated as of Jun 01 2019 09:32 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Dumadaing ang mga guro sa umano'y kakulangan sa pasilidad at pangangailangan nila sa kanilang pagtuturo sa nalalapit na pasukan. 

Kabilang na rito si Ace Candelaria, na nagtuturo sa isang paaralan sa Nueva Ecija. 

Aabot daw sa 1,500 na senior high school students ang inaasahang papasok sa Hunyo 3, Lunes, sa kanilang paaralan pero 24 lang ang kanilang silid-aralan. 

Ibig sabihin, magsisiksikan ang 60 estudyante sa isang maliit na classroom para lang makapagklase.

Ani Candelaria, may epekto ang siksikan na classroom sa kalidad ng kanilang pagtuturo. 

"Hindi po kami makakapagturo nang maayos dahil sa sikip at init. Ang aming mga estudyante hindi rin makapag-concentrate," aniya. 

Abonado rin umano siya dahil sa kakulangan ng pasilidad at sa umano'y kulang na P3,500 teaching allowance.

"Ako may sariling projector. Gastos namin pati microphone, internet," aniya. 

Nananawagan si Benjo Basas, chairperson ng Teachers' Dignity Coalition, na itaas ng Department of Education (DepEd) sa P10,000 ang kanilang teaching allowance. 

Ikinaalarma rin ni Basas ang pagdami ng mga estudyante dahil humahaba raw ang oras nila sa pagtatrabaho, imbes na masundan ang 6 na oras kada araw na base sa kautusan ng DepEd. 
 
"Meron nga po sa dami ng estudyante nag-four shifts na. Ano pa ang matututunan ng mga bata?" 

Ayon sa DepEd, hindi maiwasan na magkulang ang silid-aralan sa ibang eskuwelahan lalo na kung biglang dumami ang populasyon sa lugar. Pero mas marami pa rin anila ang mga paaralang may sapat na bilang ng classroom. 

Anila, bukod sa 66,000 silid-aralan na napagawa na nitong nakaraang mga taon, libo-libo pa raw ang kanilang pinapagawang classroom para makamit ang tamang pupil to classroom ratio. 

Anila, bumaba umano sa 1:28 ang classroom to pupil ratio mula sa dating 1:35. 

"Dati kasi ang focus natin access, lahat ng estudyante dapat makapasok. Ngayon dito na tayo sa quality," ani DepEd Undersecretary Jesus Mateo. 

Mayroon din daw 10,000 posisyon sa pagkaguro ang bukas sa school year 2019-2020. Bukod pa raw ito sa 13,000 posisyon na nabakante mula school year 2018-2019. 

-- Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.