Drug suspek patay matapos umanong manlaban sa Maynila

Arra Perez, ABS-CBN News

Posted at Jun 01 2019 12:14 AM

MAYNILA—Patay ang isang drug suspek matapos umanong manlaban sa mga pulis sa Manila Police District Station 3.

Kinilala itong si Enrique Lugtu, 37, na may kaso ring robbery with homicide.

Ayon kay Police Lt. Col. Carlo Manuel, hepe ng MPD public information office, sumasailalim sa booking procedure ang suspek alas-3:45 ng hapon nang biglang agawin ang 9 mm na baril ng pulis na nag-iimbestiga sa kaniya.

Tinutukan niya ng baril ang mga pulis at kinalabit ang gatilyo, pero hindi loaded ang baril.

Dito napilitang barilin ng isa sa mga pulis ang suspek na nagtamo ng 3 tama ng bala sa katawan.

Naisugod sa ospital ang suspek pero kalauna'y namatay rin.

Ayon kay Manuel, iimbestigahan ang mga pulis na sangkot sa insidente bilang protocol.

Noong Miyerkoles, isang murder suspek ang napatay ng pulisya sa Quezon City matapos umanong mang-agaw ng baril ng pulis.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.