Pulisya may paalala sa bisperas ng pasukan sa Lunes

ABS-CBN News

Posted at Jun 01 2018 09:25 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ilang araw bago ang muling pagbubukas ng mga eskuwelahan ay nagsagawa ng dry run ang ilan sa mga ito para malaman kung ano-ano pa ang dapat pagtuunan ng pansin pagsapit ng pasukan.

Isa na dito ang mga estudyante ng L.B. Santos Elementary School sa Caloocan, na naka-uniporme na at pumila para sa flag raising ceremony nitong Biyernes ng umaga. Isa kasi sila sa mga eskuwelahan na nag-dry run na para sa school opening.

"This is to ensure that the opening of classes ay smooth and orderly at to give orientation para sa mga teacher about their teaching load. Dito na rin sine-set-up ang late enrollees and para makita rin kung may conflict sa schedule na ginagawa," paliwanag ni Department of Education-NCR regional director Wilfredo Cabral.

Sa datos ng DepEd, tumaas ang bilang ng mga may problema sa enrollment ngayon kumpara sa kaparehong araw noong 2017.

Bukas naman ang DepEd Public Assistance Command Center sa lahat ng regional offices hanggang Hunyo 8 para sa mga may idudulog. 
    
Seguridad sa U-belt, hihigpitan

Watch more in iWant or TFC.tv

Muli namang nagpaalala ang Manila Police District (MPD) sa mga magulang at mag-aaral na maging alerto sa harap ng pagdami ng krimen kung saan ang biktima ay mga estudyante.

Ayon sa MPD, karaniwang gawain ng mga kawatan ang snatching, pandurukot, salisi, at tutok-kalawit. 
    
Kaya sa Lunes, may mga lugar na bibigyang atensyon ang MPD para masigurong ligtas ang mga papasok na mag-aaral.

"Iyung university belt area, bibigyan natin ng additional security kasi maraming estudyante talagang naglalakad diyan...Hindi bawal magdala ng gadgets, pero ang security at safety ay nagsisimula rin sa ating mga sarili," paalala ni MPD spokesperson Supt. Erwin Margarejo.

Bukod sa mga police assistance desk na itatalaga malapit sa mga eskuwelahan, iikot rin ang mga pulis na nakasibilyan.
    
Hinaing naman ng MPD, madalas hindi na itinutuloy ng mga estudyante ang pagsasampa ng kaso sa mga nahuhuling suspek, kung hindi man kasi takot, abala umano sila sa pag-aaral. 
    
Pero ayon sa MPD, kung hindi paglalaanan ng panahon ay maaaring lumobo pa ang bilang ng mga insidente ng nakawan dahil uulit at uulit ang mga suspek sa pambibiktima.

Sakaling makakita ng pambibiktima ng masasamang loob, hinihikayat ng MPD na i-report ito sa kanilang numerong 523-3378. 
    
--Ulat nina Raphael Bosano at Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.