P5 milyong halaga ng mga pekeng gamot, nasamsam sa isang bahay

ABS-CBN News

Posted at Jun 01 2018 08:53 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Aabot sa P5 milyong halaga ng pekeng gamot ang nakumpiska ng mga awtoridad nitong Biyernes sa Caloocan City.

Tumambad sa National Bureau of Investigation (NBI) ang milyon-milyong halaga ng pekeng gamot nang salakayin ang isang bahay na ginagamit umano na imbakan.

"May iba pa kaming target, pero nalaman namin na ito 'yong nagsu-supply sa iba pang area," ani Cesar Bacani, NBI-NCR regional director.

Kabilang sa mga nasamsam ay mga pekeng gamot para sa ubo, sipon, at lagnat.

Paalala ng awtoridad, huwag bumili sa mga kahina-hinalang tindahan at magdoble-ingat sa mga binibiling gamot.

"Bumili sa mga lehitimong tindahan na may permiso at awtoridad magbenta," dagdag ni Bacani.

Mahaharap sa kasong paglabag sa Intellectual Property law ang may-ari ng bahay.

Samantala iimbestigahan ang dalawang katiwala kung may kaugnayan ang mga ito sa krimen.

-- Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.