Umano'y pusher at supplier ng shabu, tiklo sa hiwalay na buy-bust sa Davao City

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at May 31 2019 05:23 PM

Agad na nagkasa ng operasyon laban kay alyas Eugene matapos siyang ituro na supplier umano ng shabu ng naunang nahuling suspek.

DAVAO CITY - Arestado sa magkahiwalay na buy-bust operation ang di umano’y drug pusher at supplier nito dito sa siyudad Huwebes.

Unang naaresto ang tricycle driver na si alyas Alvin sa buy-bust operation sa Barangay Agdao Proper kung saan nakuha sa kaniya ang dalawang sachet ng hinihinalang shabu.

Sunod na naaresto sa buy-bust operation ang aircon technician na si alyas Eugene sa Barangay Bario Obrero.

Ayon sa pulisya, matapos maaresto si Alvin ay agad nitong ikinanta ang kaniyang supplier umano na si Eugene.

“Minsan lang ako gumagamit, inuutusan lang niya (Eugene) ako," sabi ni Alvin.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag pa si Eugene.

Ang dalawa ay kapwa nagbebenta umano ng shabu sa Barangay Mintal, Toril at sa downtown area sa Davao City.

“Konektado ang dalawa at halos tatlong buwan namin silang minomonitor sa pagbebenta," sabi ni Police Capt. Maria Luisa Bengil, deputy Station Commander ng Tugbok Police.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.