P2P operation ng UV Express sinuspinde

Arra Perez, ABS-CBN News

Posted at May 31 2019 06:51 PM

MAYNILA — Hindi na muna matutuloy ang pagpapatupad ng point-to-point operation ng mga UV Express, sabi ng Department of Transportation (DOTr) nitong Biyernes. 

Ayon kay Transportation Assistant Secretary Goddess Hope Libiran, dalawang linggo ang suspensiyon ng memorandum circular na inilabas ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na nagbabawal sa mga UV Express na magbaba at magsakay sa pagitan ng kanilang nakatakdang terminals. 

Ayon kay Libiran, ito ay para magkaroon pa sila ng oras para sa rebyu at konsultasyon ukol sa panukala.

Agad namang maglalabas ng abiso ang LTFRB ukol sa usapin.

Mayo 16 inilabas ang kautusan ng LTFRB, kung saan papatawan sana ng P5,000 hanggang P9,000 ang lalabag. 

Nauna nang umani ng iba't ibang reaksyon ang polisiya.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.