Anim timbog sa operasyon kontra droga sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at May 31 2019 03:36 AM

MAYNILA - Anim na tao ang arestado sa operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Manila Police District (MPD) Station 5 sa Paco, Maynila, Huwebes.

Sa bisa ng search warrant, hinaluglog ng awtoridad ang bahay na tinutuluyan ni alyas Michelle at live-in partner na si alyas Karla.

Naaresto rin ang kasama nitong si alyas Mayla at tatlong iba pa.

Ayon kay Director Levi Ortiz ng PDEA Special Enforcement Service, isang 17 anyos ang nagsumbong sa kanila tungkol kay Michelle, na ginagawa umanong drug runner ang kaniyang 14 anyos na kapatid na lalaki.

Bukod dito, isang alyas Cindy na naaresto ng MPD noong Mayo 21 ang nagturo rin sa mga suspek.

Ginagawa umanong drug den ang kanilang bahay at mga bata ang ginagawang lookout sa tuwing matutunugan ang mga pulis.

Inamin ni Karla na gumagamit at nagtutulak sila ng droga pero nasa P200 lamang ang benta nila, at hindi kasing dami ng nasa P200,000 na halaga ng droga na nakuha sa kanila.

Napag-alaman ring dati nang nakulong sina Michelle, Karla at Mayla matapos ring masangkot sa ilegal na droga.

- ulat ni Arra Perez, DZMM

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.