DepEd tiniyak ang kahandaan ng public schools sa pasukan

ABS-CBN News

Posted at May 31 2018 06:58 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nakahanda na ang Department of Education (DepEd) para sa muling pagbubukas ng klase sa Hunyo 4, ayon mismo sa isang opisyal nito.

Ayon kay DepEd Undersecretary Tonisito Umali, sinuri ng kagawaran ang mahigit 46,000 na pampublikong paaralan sa bansa.

"Aarangkada na tayo sa June 4, unang araw ng pasukan," ani Umali sa kaniyang panayam sa programang "Usapang de Campanilla" sa DZMM.

Ayon kay Umali, pinagbasehan ng departamento ang anim na pamantayan upang malaman ang kahandaan ng bawat eskuwelahan.

Ang mga ito ay ang bilang ng mga silid-aralan, guro, upuan, palikuran at kung may magagamit ba na kuryente at tubig. 

"In each variable, dinis-aggregate ang bawat kategorya into ready, nearing ready o needs support," ani Umali.

Dagdag ni Umali, may sinusunod na proporsiyon para sa bawat pamantayan upang masabi na "ready," "nearly ready" o "needs support" ang mga paaralan.

Para sa mga guro at silid-aralan, ang ideyal na ration ay 1:25 o isang guro at classroom para sa 25 kindergarten students, habang 1: 40 para sa elementarya at high school.

Para sa palikuran, 1 is to 50 students ratio naman ang itinakda ng DepEd.

Kapag sumobra nang kaunti sa itinakdang ratio sa bawat pamantayan, matatawag na "nearly ready" ang paaralan ngunit magtutuloy pa rin ang klase.

Paninigurado naman ni Umali, maliit na porsiyento lamang ng paaralan sa buong bansa ang "needs support."

"In the average, sa buong Pilipinas, nasa 2.68% lamang ang nasa ganiyang kategorya," ani Umali.

Nangako rin si Umali na sisikapin ng DepEd ngayong taon na tugunan ang mga paaralang nangangailangan ng suporta.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.