Pinoy achievers, angat sa loob at labas ng bansa

ABS-CBN News

Posted at May 31 2017 04:04 PM

Angat ang talino ng mga Pinoy kahit saan mang lupalop sila naroon. 

Karangalan, halimbawa, para kay Don Stanley Dalisay na magtapos sa top five sa US Military Academy Class of 2017. Nabigyan din siya ng distinguished cadet award.

Taga-Tingloy, Batangas si Dalisay na isa ring Philippine Military Academy graduate.

Hanga umano si Dalisay sa giting ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas.

''What's happening in Marawi right now, we're being challenged but I can't be more proud of the professionalism that the Philippine Army is showing in clearing the streets of Marawi, and so that's something that I look forward to that one day I'll be able to lead those soldiers,'' aniya. 

Layunin ng 23 anyos na si Dalisay na mapabuti ang pananaw ng publiko sa Philippine military.

"If you look at how we view the military back home, whenever we see soldiers, we actually fear for ourselves. We're afraid. But what I want to do is whenever you see a soldier, you should feel safe," sabi niya.

Pangarap din ni Dalisay na sundan ang yapak ng kaniyang idolong si dating Pangulong Fidel Ramos na alumnus ng West Point batch 1950.

Ilocana sa Hawaii

Ipinagmamalaki rin ng kanyang pamilya ang Pinay na si Reschi Karla Ramo na nagtapos bilang summa cum laude sa University of Hawaii-Manoa.

''I feel really really proud of myself… I wouldn't be where I am or who I am today without my community,'' pahayag ni Ramo.
 
Consistent honor student si Ramo sa Pilipinas mula Grade 1 hanggang 3rd year high school, na huling level niyang natapos bago lumipad pa-Hawaii.

Kuwento ni Ramo, hindi naging madali ang kanyang pag-aaral sa ibang bansa, dahil nakaranas umano siya ng accent discrimination.

Pero hindi umano siya nagpatalo rito at nag-focus na lang sa kanyang pag-aaral. Iniisip na lang niya ang palaging turo ng kanyang pamilya na mag-aral nang mabuti.

Bagama't scholar siya noong college, nag-working student pa rin siya dahil sa mga ibang gastusin sa pag-aaral. Bachelor of Arts in Public Health Minor in Ilocano Studies ang tinapos na kurso ni Ramo at plano pa niyang maging doktor.

Matapos ang graduation niya noong Mayo 13, umuwi siya ng Pilipinas para ipagdiwang ang kanyang tagumpay kasama ang kanyang mga kamag-anak at kaibigan. 

Nais naman niyang magtrabaho sa Pilipinas dahil naniniwala siyang importanteng bumalik siya sa bansa kung saan nagsimula ang kanyang mga pangarap. 

Magpinsan, top 1

Sa loob naman ng bansa, matapos mag-number one sa nakalipas na bar examinations ang Cebuana na si Karen Mae Calam mula sa University of San Carlos, dobleng karangalan naman ang nakamit ng unibersidad sa pagkuha ng first place ng magpinsang sina Vianca Pearl Inot Amores at Marianito Jesus Berdin Del Rio sa May 2017 Certified Public Accountant Licensure Examination.

Nagkamit ng 92.67% rating ang magpinsan.

Sabi ng magpinsan, sekreto nila sa kanilang tagumpay ang kanilang pagbibigay ng suporta sa isat-isa. Magkasabay silang kumuha ng kursong accountancy at pareho ring grumadweyt ng may honor.

Summa cum laude si Amores at magna cum laude si Del Rio.

Inispirasyon din ni Amores ang kanyang boyfriend na pasok din sa top 5. Sa kabuuan, anim na taga-USC ang nakapasok sa top ten.

--Ulat ni Jude Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.