Masbate Electric Cooperative, puputulan ng suplay dahil sa P240M utang

ABS-CBN News

Posted at May 31 2017 04:34 PM

Maaaring maputulan ng kuryente ang mga bahay na nakakonekta sa Masbate Electric Cooperative (MASELCO) simula May 31 matapos ihain ang disconnection notice sa kooperatiba dahil sa hindi nito pagbabayad ng hindi bababa sa P240-milyong utang sa power producer na DMCI Power Corporation (DMPC)

"We regret to advise the Masbate Electric Cooperative and its customers that DMCI Power Corporation is compelled to discontinue its power supply to MASELCO effective May 31, 2017 at 8:30 a.m. due to non-payment of outstanding bills in the total amount of P240 million," saad ng disconnection notice mula sa DMPC.

Ayon sa DMPC, ilang beses na silang nagpadala ng mga sulat upang hikayatin ang MASELCO na bayaran ng buo ang mga nakabinbin na bayarin ngunit hindi pa rin nagbibigay ng garantiya ang kooperatiba kung kailan ito makakapagbayad.

Nanawagan ang DMPC sa mga kostumer na maaapektuhan na paghandaan ang pagkawala ng kuryente sa kanilang lugar.

Samantala, sinabi ng National Electrification Administrator na si Ed Masongsong na pupunan ng gobyerno ang mababakanteng pangangasiwa ng MASELCO at susubukan na ibalik ang supply ng kuryente sa loob ng isang araw.

- ulat mula kay Alvin Elchico, ABS-CBN News.