Higit P2 milyong halaga ng shabu nakumpiska sa Makati; 3 suspek timbog

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at May 30 2020 10:11 AM

MAYNILA - Tinatayang nasa P2 milyong halaga ng droga ang nakumpiska mula sa tatlong high-value drug suspects sa buy-bust operation ng Kamuning Police Station sa Makati City, Biyernes ng gabi.

Ayon kay Police Maj. Ferdinand Duren, deputy station commander ng Quezon City Police District Station 10, nagkasa sila ng anti-drug operation laban sa mga suspek na nasa kanilang watchlist. 

Isang pulis ang nagpanggap na buyer at bumili ng droga mula sa mga suspek sa pamamagitan ng social media. 

Nagkita ang buyer at mga suspek sa M.H. Del Pilar Street sa Barangay Rizal sa Makati at agad na inaresto ang tatlo matapos ang transaksiyon. Nakatakas naman ang isa pa nilang kasamahan. 

Nakuha sa kanila ang 300 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng higit P2 million.

Pinaghahanap pa ng awtoridad ang nakatakas na suspek.