Tindero na umiwas sa tambak ng basura patay nang mahagip ng 18-wheeler

ABS-CBN News

Posted at May 30 2019 05:32 PM


Isang nagbibisikletang lalaki na umiiwas lang sa tambak na basura ang patay matapos masagasaan ng 18-wheeler truck sa boundary ng Quezon City at Maynila noong madaling araw ng Miyerkoles. 

Sa CCTV ng Barangay 493 sa Blumentritt pasado noong alas-5 ng umaga Miyerkoles, kitang nagbibisikleta pauwi galing sa pagtitinda ang 49 taong gulang na vendor na si Carlito Lansen.

Nakita rin si Lansen na iniwasan ang tambak ng basura sa kalsada.

Hindi na nakita sa video si Lansen pero mapapansin ang isang 18-wheeler truck na kumalabog ang likod pero dere-deretso lang ang takbo.

Nahagip na pala nito ang vendor na naiwang nakabulagta at pisak ang ulo.

"Imposibleng hindi 'yon alam ng driver kasi umangat 'yung gulong niya sa likod," sabi ni Barangay 493 Chairman Agripino Juanito Serrano.

Mula Pangasinan, dumating ang pamilya ng biktima sa Blumentritt at hindi na nila napigilang maiyak matapos mapanood ang CCTV.

"Napakasakit ng ginawa mo, lumabas ka. Pinatay mo 'yung tatay ko, tinanggalan mo kami ng ama," sabi ni Clarissa Lansen, anak ng biktima. 

Nagpatulong na rin ang pamilya sa Quezon City Traffic Police para maimbistigahan ang pangyayari.

Nito lang hapon, nakipag-ugnayan na umano ang kompanya ng truck na nakasagasa at sinusubukang makipag-areglo sa pamilya Lansen.

—Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.