Mag-live-in partner, 5 iba pa tiklo sa anti-drug ops sa Kamaynilaan

ABS-CBN News

Posted at May 30 2019 04:55 AM

MAYNILA—Arestado ang 7 katao sa magkahiwalay na operasyon kontra droga sa Kamaynilaan sa magdamag.

Balik-kulungan ang mag-live-in partner na sina Thea Tecson at Eduardo de Vera sa buy-bust operation ng Jose Abad Santos police.

Nakuha sa kanila ang nasa P32,000 halaga ng hinihinalang shabu. Dati na silang nakulong sa parehong kaso, pero bumalik umano sa pagtutulak.

"Wala naman akong makuhang hanapbuhay," ani Tecson.

Ayon kay Police Capt. Val Valencia ng Jose Abad Santos police, ginagamit ng mga suspek ang pamamasada para makakuha umano ng mga parokyano. Nagtatrabaho bilang tricycle driver si De Vera.

"Para hindi halata, isasakay lang, ihahatid tas dadalhin sa eskinita para kumuha ng ibibiyahe nilang shabu," aniya.

Samantala, timbog ang 2 lalaki sa buy-bust operation sa Barangay Pasong Tamo, Quezon City.

Nasabat sa kanila ang nasa P70,000 halaga ng umano'y shabu.

Ayon sa isang suspek, sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa galing ang supply.

Sa Barangay South Cembo, Makati City, tiklo ang magkapatid at kanilang kasamahan sa buy-bust operation.

Nasamsam sa mga suspek ang nasa P27,000 halaga ng hinihinalang shabu at drug paraphernalia. —Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.