Filipino citizenship para kay Sister Patricia Fox, inihain sa Kongreso

ABS-CBN News

Posted at May 30 2018 11:01 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inihain ng Makabayan bloc nitong Miyerkoles ang isang panukalang batas na naglalayong bigyan ng Filipino citizenship ang Australian na misyonerong si Sister Patricia Fox.

Isinumite sa Karama ang House Bill 7806 na naglalayong bigyan ng Filipino citizenship si Sister Patricia Fox na nahaharap pa rin sa posibleng deportasyon.

"Dapat ay ma-consider na nating mas Pilipino pa [si Fox] dahil siya ay nasa interes ng mamamayang mahirap," ani Bayan Muna Rep. Carlos Zarate.

"Mamamayang Pilipino ang kaniyang isinusulong kaysa iba diyan na interes ng dayuhan," dagdag ni Zarate.

Higit 27 taon nang namamalagi si Fox sa Pilipinas at sa tagal na umano ng kaniyang misyon sa bansa ay napalapit na umano siya sa mga Pilipino.

"'Yung pangarap natin na reporma sa magsasaka at mga mangingisda, masama ba kung gusto natin ng genuine reform?" ani Fox.

Paglilinaw ni Fox, hindi umano politikal ang pakikiisa niya sa mga demonstrasyon dahil parte raw ito ng kaniyang pagtulong. 

Ang mga naiambag na tulong ni Fox sa mga Pilipino ay sapat na basehan umano para pigilan ang papalapit nitong deportasyon, ayon sa isang kongresista.

"Isang track ito na mabigyan [si Fox] ng citizenship dahil 'yong track record ni Sister Pat ay malinaw naman kung sino ang pinaglingkuran," ani Anakpawis Rep. Ariel Casilao.

"Bahagi ito ng ating paglaban sa nakaambang deportasyon ni Sister Pat," ani Casilao.

Ikinatuwa naman ng madre ang isinusulong ng Makabayan bloc na Filipino citizenship para sa kaniya.

"I am very honored that they are proposing such a thing," ani Fox.

Alinlangan naman ng isang grupo ng mga obispo na baka umano magtutuloy-tuloy sa buong Simbahan ang panggigipit umano ng gobyerno.

"Baka magka-domino effect [at] hindi lang si Sister (Fox) kung hindi buong simbahan," ani Father Jerome Secillano, executive secretary ng Catholic Bishops' Conference of the Philippines (CBCP).

Nag-ugat ang deportasyon ni Fox matapos siyang ipaimbestigahan ng Pangulong Rodrigo Duterte sa Bureau of Immigration (BI) dahil sa umano'y "disorderly conduct" ng madre. 

Tinanggihan na ng BI ang apela ng madre na ibalik ang kaniyang missionary visa. 

Idinulog na ni Fox ang kaso sa Department of Justice (DOJ). 

-- Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.