Higit 20 flights, naapektuhan ng kinumpuning NAIA runway

ABS-CBN News

Posted at May 30 2017 09:32 PM | Updated as of May 31 2017 12:28 AM

Higit 20 flights ang naapektuhan ng pagsasara ng Ninoy Aquino International Airport runway dahil sa emergency pothole repair, Martes ng hapon.
 
Isinara ang international runway ng tatlong oras para maiwasan ang mas malaki at mas delikadong aberya sa tinatayang 1,500 na pasahero.

Nagdesisyon ang airport management na isara ito nang mapansin ang malaking nakayod at nabutas na bahagi ng runway sa mismong lalapagan ng gulong ng pa-landing na eroplano.

Isinagawa ang agarang pagsasaayos ng runway upang masiguro ang kaligtasan ng mga pasahero, ayon kay Manila International Airport Authority General Manager Ed Monreal.

Pahayag ni Monreal, sa tagal ng panahon na hindi na-upgrade ang aspalto at sa dami ng mga naglalakihang eroplanong nagla-landing sa saktong lugar na 'yun, inaasahan na itong resulta na magkabitak-bitak at mabutas ang aspalto.

Kaagad namang nagpaumanhin si Monreal sa mga apektadong pasahero.

''Ayokong mag isip ng masama pero pag-landing ng gulong at nalubak, gegewang 'yan mas delikado para sa mga pasahero... gumana pa rin naman yung runway 1331 kaya nakalipad at landing pa rin ang iba,'' aniya.

Nasa 17 flights ang na-divert sa Clark, 7 ang na-delay at 9 ang nakansela.
    
Ayon sa management, gagawan na nila ito ng paraan dahil pangalawang beses na itong nangyari.

Paglilinaw pa ni Monreal, ibang bahagi ng airport ang nasira kanina at hindi 'yung natuklapan ng aspalto noong isang taon. 

Masinsinang inspeksyon ang ginagawa ulit ng airport management sa mga runway at doble ang pagsilip tuwing automatic shutdown at inspection tuwing madaling araw.

Narito ang listahan ng mga naapektuhang biyahe:

NAIA TERMINAL 1

SV 872 - Jeddah to Manila    - Diverted to Clark
JL 741 - Narita to Manila - Diverted to Clark
MH 704 - Kuala Lumpur to Manila - Diverted to Clark

NAIA TERMINAL 2

PR 720 - Manila to Heathrow - Cancelled Due to Runway Repair
PR 126 - Manila to Vancouver - Delayed
PR 654 - Manila to Riyadh - Delayed
PR 682 - Manila to Dammam - Delayed
PR 656 - Manila to Abu Dhabi - Delayed
PR 407 - Kansai to Manila - Diverted to Clark
PR 431 - Narita to Manila - Diverted to Clark
PR 301 - Hong Kong to Manila - Diverted to Clark
PR 1785 - Manila to Puerto Princesa - Delayed
PR 432 - Manila to Narita - Cancelled Due to Runway Repair
PR 408 - Manila to Kansai - Cancelled Due to Runway Repair
PR 468 - Manila to Incheon - Delayed
PR 306 - Manila to Hong Kong - Delayed

NAIA TERMINAL 3

SQ 910 - Singapore to Manila - Diverted to Clark
NH 869 - Haneda to Manila - Diverted to Clark
5J 111 - Hong Kong to Manila - Diverted to Clark
5J 326 - Legazpi to Manila    - Diverted to Clark
5J 964 - Davao to Manila - Diverted to Clark

Maaaring tumawag ang publiko sa NAIA flight information sa trunkline 87711109 o hotline number ‎877-8888 local 8144.

--Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.