Lalaki patay sa engkwentro sa Negros Occidental

Martian Muyco, ABS-CBN News

Posted at May 29 2020 03:23 AM

Patay ang isang 64 anyos na lalaki at sugatan naman ang kanyang kasamang menor de edad nang mabaril ng pulis Martes ng gabi sa bayan ng Murcia, Negros Occidental.

Ayon kay Police Maj. Robert Dejucos, hepe ng Murcia Police, inireklamo si Lorenzo Peraren ng isang may-ari ng sari-sari store dahil sa halos isang oras na umano silang naka-istambay sa tindahan.

Nang pinuntahan ng mga barangay tanod ang lugar, nakita umanong may dalang armas si Peraren kaya’t humingi sila ng police assistance.

Nang dumating naman ang pulis tumakas umano si Peraren at nagpahabol sa mga awtoridad.

Nang dumating sa Barangay Cansilayan sakay sa kanyang motorsiklo, huminto ito at nagpaputok ng kanyang armas, ayon kay Dejucos.

Dagdag pa ni Dejucos, gumanti ng putok ang pulis at natamaan sa batok si Peraren.

Natamaan din sa braso ang menor de edad.

Namatay si Peraren at kasalukuyang ginagamot ang menor de edad.

Inaalam ng pulis kung may kinalaman sa transaksyon sa ilegal na droga si Peraren matapos makuha sa bag niya ang umano’y dalawang sachet ng shabu.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.