Malalaking komite sa Senado pinag-aagawan

ABS-CBN News

Posted at May 29 2019 07:44 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Apat na malalaking komite ang pinag-aagawan ngayon ng mga dati at baguhang senador na bubuo sa papasok na Senado sa ilalim ng 18th Congress, ayon mismo kay Senate President Vicente Sotto III. 

Isa na dito ang iiwang education committee ni Sen. Francis Escudero, kung saan apat ang gustong kumuha.

Ang makapangyarihang blue ribbon committee naman na hawak ngayon ni Sen. Richard Gordon, gustong makuha nina Sen. Grace Poe at incoming Sen. Francis Tolentino. 

Target din ni Tolentino na kunin ang justice committee na hawak ni Gordon, at public services committee na pinamumunuan ni Poe. Nais din ni Tolentino na pamunuan ang environment, foreign affairs, at local government committees. 

Si Sotto, aminadong sumasakit na ang ulo sa gusto ng ilang bagitong senador. 

Sabi ni Sotto, posibleng ibigay kay Senator-elect Imee Marcos ang committee on ways and means na iiwan ni Sen. Sonny Angara dahil wala namang gustong kumuha nito. 

Si Angara naman ang papalit kay Senador Loren Legarda sa committee on finance.

Si Senator-elect Ronald dela Rosa, tiyak na rin na hahawak sa committee on public order and dangerous drugs na pinamumunuan ngayon ni Sen. Panfilo Lacson.

Si Poe, nilinaw na hindi ipipilit kung ayaw bitawan ni Gordon ang blue ribbon committee bilang paggalang sa tradisyon ng Senado.

Pero ang public services committee, bibitawan niya lang kung makukuha ang blue ribbon.

Tila nagparinig din si Poe sa ilang bagitong senador na umano'y nagmamadaling makasungkit ng malaking komite.

"Sana respetuhin nila... Parang di rin naman maganda."

Si Gordon wala ring balak bitawan ang blue ribbon.

"Hindi ko naman pinamimigay... They should try and get it if they can get it. But they should really worry na siyempre pag hindi mo nirerespeto ang traditions ng Senado, magkakaroon ng malalalim na sugat," sabi ni Gordon. 

Si Senator-elect Bong Go, tiyak na umanong hahawakan ang committee on health.

Sa Hunyo 5 magpupulong ang Senate majority bloc sa pag-asang mapaplantsa na ang gusot sa isyu ng committee chairmanships. —Ulat ni Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.