20-30 porsiyentong paglobo sa bill normal sa tag-init: Meralco

ABS-CBN News

Posted at May 29 2019 06:40 PM | Updated as of May 29 2019 07:37 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Aminado ang pamilya ni Aivanne Sales na marami silang appliances kaya kada buwan ay sanay na sila sa Meralco bill na nasa P6,000.

Pero nagulantang ang pamilya nang dumating ang bagong bill nila kung saan pumalo sa P13,000 o lagpas doble ang naging singil sa kanila. 
    
Nagreklamo si Sales sa Meralco dahil tatlo lang sila sa bahay at isang linggo pa silang nagbakasyon sa Bicol.

"This Tuesday nag-send sila ng letter sa amin na dahil pinalitan na ulit ang meter, kailangan P13,000 na ang babayaran," hinaing ng konsumer. 

Si Geraldine Salcedo naman, halos P3,000 ang itinaas ng bill ngayong buwan.

"Wala naman kaming magawa pag di kami nagbayad puputulan kami," aniya.

MERALCO NAGPALIWANAG

Pero may paliwanag ang Meralco kung bakit maraming kostumer ang lumobo ang bayarin sa kuryente nitong Mayo.
    
Kahit kasi natapyasan ang overall rate ngayong buwan, dahil nuknukan ng init ay lumobo naman ang kunsumo ng mga kabahayan.

"The increase anywhere between 20 to 30 percent of your typical consumption, that is already a given, 'yan ang tinatawag na seasonality of consumption pagdating ng summer months," sabi ni Meralco spokesman Joe Zaldarriaga.

Pero para sa grupong Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), may problema sa sistema ng Meralco na "estimate" muna ang ilalagay sa bill pag di nagkaroon ng reading sa metro ng konsumer. 

"Posible ba talagang ganyan kalaki ang konsumo? Bakit lumulobo? May problema ba ang metro? Hindi naman basta basta dapat na pipilitin mong magbayad tapos walang nang say ang consumers. May consumer rights pa rin eh," sabi ni Bayan secretary-general Renato Reyes, Jr.

Depensa naman ng Meralco, mga eksperto ang nagtatantiya batay sa mga nakaraang buwanang konsumo ng kostumer.
    

—Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.