15 tricycle nahatak sa clearing ops ng MMDA sa QC

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at May 29 2019 11:02 AM

MAYNILA – Umabot sa 15 ang mga tricycle na nahatak sa isinagawang clearing operations ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Quezon City, Miyerkoles ng umaga.

Alas-6 ng umaga nang suyurin ng MMDA Task Group Bravo ang kahabaan ng Congressional Avenue laban sa mga ilegal na pumaparada at iba pang obstruction sa kalsada.

Dito na nakumpiska ang may 11 tricycle at isang motorsiklo. Napag-alamang walang rehistro ang ilan sa mga tricycle.

Sa Road 20 at General Avenue naman, may apat na tricycle at kuliglig ang nakumpiska na nahuli ring walang lisensya at rehistro.

May isang motorsiklo din ang hinarang at tiniketan dahil tatlo silang magka-angkas at wala ring suot na helmet. 

Aabot sa P1,500 ang multa na kailangang bayaran dahil sa pagmamaneho ng walang helmet.

Dadalhin naman ang mga nakumpiskang tricycle at motorsiklo sa impounding area ng MMDA sa Tumana, Marikina.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.