Babae, patay matapos pagtatagain ng kapatid

Cherry Palma, ABS-CBN News

Posted at May 29 2018 09:49 AM

Halos matapyas ang likurang bahagi ng ulo ni Queenie Geronimo matapos na pagtatagain ng kaniyang kapatid na si Paul Vincent, Mayo 27, 2018, sa Hamtic, Antique. Photo courtesy of Hamtic Police.

HAMTIC, Antique – Dead on the spot ang isang 21-anyos na babae matapos na pagtatagain ng nakatatandang kapatid na hinihinalang nagkaroon ng nervous breakdown, Linggo ng umaga.

Nakilala ang nasawi na si Queenie Geronimo ng Barangay Funda. Pinagtataga siya sa ulo ng kaniyang kapatid na si Paul Vincent.

Ayon sa awtoridad, Abril nang umuwi sa Antique ang suspek mula Manila upang bumoto sa kaniyang ina na tumakbo bilang Sangguniang Bayan Member. Napuna na umano ng kanilang pamilya ang madalas na pagiging tulala at tahimik ng suspek.

Linggo ng umaga nang magkaroon ng pagtatalo ang pamilya at bigla na lang pinagtataga ng suspek ang kaniyang kapatid.

Nasugatan sa kamay ang kanilang ina na si Inocencia matapos na tangkain rin tagain ng suspek.

Nakasuhan na nitong Lunes ng hapon ng kasong murder at physical injury ang suspek at kasalukuyang nakakulong.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.