ALAMIN: Karapatan ng pasyenteng nangangailangan ng agarang gamutan

ABS-CBN News

Posted at May 29 2018 12:30 AM

Ipinagbabawal sa ilalim ng batas ang pagtaboy o paghingi ng deposito sa mga pasyenteng nangangailangan ng emergency services, ipinaalala ng tagapagsalita ng Department of Health (DOH).

Sa episode ng "Salamat Dok" nitong Linggo, Mayo 27, tinalakay ni DOH spokesperson Dr. Eric Tayag ang Republic Act (RA) 10932 o Anti-Hospital Deposit Law.

Ayon kay Tayag, dapat ay inuuna ng mga tauhan ng ospital ang pagbigay ng lunas sa mga pasyente bago isipin kung may pambayad ang mga ito.

"'Pag dumating ang pasyente, emergency, serious 'yan, asikasuhin 'yong pasyente. Huwag munang isipin 'yong ginastos, ginagamit sa ospital, 'yong babayaran sa ospital," sabi ni Tayag.

Pero nilinaw rin ni Tayag na may kinalaman lang ang RA 10932 sa mga "emergency" at "serious case" o iyong mga kondisyong maaaring humantong sa kamatayan o kapansan kapag hindi agad nalapatan ng lunas.

Watch more in iWant or TFC.tv

Nasa pagpapasya ng doktor kung "emergency" o "serious" ang kalagayan ng pasyente at maaari raw itong panagutin kapag nagkamali ng pagsuri.

Halimbawa ay kung ipinagpalagay ng doktor na hindi umano seryoso ang kalagayan ng pasyenteng idinadaing ang sakit sa tiyan pero iyon pala ay appendicitis na.

"Doon sa sitwasyong iyon, nagkaroon ng misdiagnosis o pagkakamali ang doktor," paliwanag ni Tayag.

Sa Health Facilities Oversight Board puwedeng idulog ang mga reklamo sa mga ospital, gaya ng misdiagnosis.

Kapag sinabi naman ng ospital na kulang sila sa kagamitan para magamot ang pasyente, dapat ay mabigyan pa rin siya ng paunang lunas at malipat sa ibang ospital.

Wala rin daw dapat gastusin ang pasyente sa ambulansiyang maglilipat sa kaniya ng ospital. Kung wala namang ambulansiya ang ospital na unang tinakbuhan, responsibilidad ng pamahalaang lokal ang paglipat sa pasyente at dapat ay may kasama siyang trained nurse.

PARUSA

Kapag napatunayang lumabag sa RA 10932 ang isang medical practitioner o empleyado ng anumang health facility, maaari silang maparusahan ng pagkakakulong ng anim na buwan hanggang dalawang taon, o pagmultahin ng halagang P100,000 hanggang P300,000.

Puwede ring makulong ng apat hanggang anim na taon o pagmultahin ng P500,000 hanggang P1 milyon ang direktor o officer ng lumabag na pagamutan.

Kapag tatlong beses lumabag sa batas ang patakaran ng ospital, puwedeng ipasara ng DOH ang ospital o medical facility.

Bagaman hindi bahagi ng RA 10932, binanggit din ni Tayag na ipinagbabawal ang pagdetene sa pasyenteng walang pambayad sa ospital.

"'Pag private hospital, nasa polisiya iyon ng private hospital. Nandoon 'yong mag-iiwan ka ng promissory note, magpe-prenda ka o kaya naman ay may pipirmang guarantor," ani Tayag.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.