Taas-pasahe sa tricycle ipatutupad sa Biñan, Laguna

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at May 28 2020 06:13 PM | Updated as of May 28 2020 07:02 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Tataas ang pamasahe sa mga traysikel sa Biñan City, Laguna simula Lunes. 

Traysikel ang pangunahing transportasyon sa siyudad at halos 6,000 ang bilang ng mga ito bago ang lockdown kontra COVID-19.
    
Sa ngayon, nasa 50 porsiyento lamang ang pinapayagang pumasada pero sakaling mag-general community quarantine na sa Lunes ay makakabiyahe na ang lahat ng mga ito. 

Iyun nga lamang, limitado pa rin ang bilang ng mga pasahero na maaaring isakay kaya apektado rin ang kita ng mga tsuper.

Kaya simula sa Lunes, tataas na nang P4 hanggang P7 ang pasahe sa traysikel depende sa layo ng biyahe.

Kung dati ay P9 lang ang pasahe sa unang 2 kilometro, magiging P13 na ito.

Kapag 2 hanggang 3 kilometro, P18 na ang singil mula sa dating P11.

Kapag 3 kilometro pataas ay P20 na ang bayad mula sa dating P15. 

Giit ng mga pasahero, mabigat ito sa bulsa pero wala silang magagawa.

Para masunod ang physical distancing, may inilagay na mga plastic cover na magsisilbing dibisyon ng mga pasahero at driver.

Dapat din ay may alcohol at face mask ang driver at pasahero.

Umaapela naman si Mayor Arman Dimaguila na payagan na rin ang mga bus at jeep na makabiyahe lalo na ang pa-Maynila.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.