Mga aktibidad para sa kapistahan ng Tacloban City, kanselado dahil sa COVID-19

Geron Ponferrada, ABS-CBN News

Posted at May 28 2020 09:09 PM

TACLOBAN CITY - Kinansela na ng lokal na pamahalaan ng Tacloban City ang iba't ibang aktibidad para sa kapistahan ng lungsod ngayon Hunyo dahil sa banta ng COVID-19.

Ang itinayong malaking tent sa compound ng Rizal Plaza sa downtown bilang paghahanda sa kapiyestahan ay hindi na magagamit para sa itinakdang mga aktibidad.

Ipinag-utos ni Mayor Alfred Romualdez na ikansela ang lahat ng aktibidad sa siyudad kung saan puwede magtipon-tipon ang mga tao.

Ayon kay Tacloban City Engineer Dionisio De Paz, kabilang sa pinakansela ng alkalde ang Sangyaw Parade of Lights at Pintados Kasadyaan Festival.

Nakatakda sana ang Pintados Kasadyaan Festival sa Hunyo 27, habang sa Hunyo 29 dapat gaganapin ang Sangyaw Parade of Lights.

Inaasahang libo-libong tao sana ang manonood sa daan sa mga pagsasayaw ng mga Waraynon, suot ang makukulay na costume at props.

Ang ilang mananayaw, naglalagay ng pintura sa mukha at katawan, na nakasanayan na bilang bahagi ng taunang selebrasyon.

Hindi na rin pinayagan ang pagbubukas ng perya at mga joy rides sa Balyuan Grounds. Sa mga nagdaang taong, nakatayo na ang perya Mayo pa lang.

Pati ang tiangge, ukay-ukay at mga nagbebenta ng tanim at bulaklak sa kahabaan ng Justice Romualdez Street ay hindi na rin pinayagan.

Nananatiling COVID-19-free ang Tacloban City.

Ang lungsod ay nasa Modified General Community Quarantine.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.