Ilegal na Chinese clinic sa Angeles City nabuking; 2 banyaga timbog

Gracie Rutao, ABS-CBN News

Posted at May 28 2020 08:53 PM

ANGELES CITY, Pampanga — Nilusob nitong Huwebes ng pinagsanib na puwersa ng Food and Drug Administration (FDA) at National Bureau of Investigation (NBI) ang isang apartment dito na nag-o-operate umano bilang clinic para sa mga Chinese.

Nabuking ang ilegal na clinic sa loob ng isang apartment sa Friendship Highway. May 3 hospital beds at dextrose sa loob ng apartment.

Pinatatakbo ang pasilidad ng mag-amang Chinese. Doktor ang ama habang assistant naman niya ang kaniyang anak, ayon sa awtoridad.

Sa tulong ng Chinese interpreter, inamin umano ng mga suspek na nagpapatakbo sila ng clinic para sa mga kababayan.

Inaayos na daw sana nila ang lisensiya ngunit naabutan ng pandemya.

Kinumpiska ng NBI ang kahon-kahong mga gamot na may Chinese labels.

Inaalam pa kung konektado ang naturang clinic sa isa pang underground medical facility na nadiskubre naman sa Pampanga.

May mga nabuking na rin na ilegal na clinic para sa mga Chinese sa Makati at Parañaque.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.