DepEd nagbabala sa mga private school na magtataas-singil ng tuition

Joyce Balancio, ABS-CBN News

Posted at May 28 2020 09:01 PM

Nilinaw ng Department of Education na hindi maaaring magtaas o magbaba ang mga private school ng tuition fee nito para sa darating na school year.


MAYNILA - Nilinaw ng Department of Education nitong Huwebes na hindi maaaring magtaas basta-basta ng tuition ang mga private school sa darating na school year.

Ito ay matapos ihayag ni Communications Secretary Martin Andanar na may ilang magulang ang nagparating sa kanya ng reklamo ng mas mahal na singil sa tuition. May iba namang nagpahayag ng nais na pababain ang tuition lalo’t posibleng hindi pisikal na papasok ang mga estudyante sa paaralan.

Saad ni Education Usec. Nepomuceno Malaluan, dapat may prosesong pagdaanan ang mga paaralan para sa taas-singil.

“Kung magtataas ng tuition ang pribadong mga paaralan sa basic education, ay kailangan nilang humingi at mag-apply ng pahintulot ng ating Regional Directors. At kailangan nilang bigyan ng substantiation iyong kanilang application for a tuition fee increase,” ani Malaluan.

Pero ipinagtanggol din ng DepEd kung bakit hindi rin maaaring babaan ang singil sa tution sa mga private school.

Ipinaliwanag ni Malaluan na may gastos din ang mga paaralan para sa pagpapatupad ng blended learning.

Sa katunayan, aniya, nire-review ng DepEd ang budget nito para matustusan ang pag-convert ng mga materyales, gaya ng self-learning modules na kailangang i-print, o di kaya gawing digital format.

Kung gagamit naman ng broadcast, kailangan rin ng production work para sa television-based instruction.
 
Samantala, binigyang diin ni DepEd Sec. Leonor Briones na walang conflict sa plano ng DepEd, ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na habang walang bakuna ay wala munang pisikal na pagpasok ng mga estudyante sa mga paaralan.

Aniya, sang-ayon ang DepEd sa utos ng Pangulo, kaya’t puspusan na ang paghahanda nito sa pagpapatupad ng blended learning.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.