Asawa, anak ng ginang na nauna nang pumanaw sa COVID-19, nagpositibo rin sa sakit

Rod Bolivar, ABS-CBN News

Posted at May 28 2020 06:20 PM

Nilimitahan na ang galaw ng mga residente sa lugar kung saan nakatira ang pamilyang nagpositibo sa COVID-19. Larawan mula sa Police Station 4 ng Cagayan de Oro City Police Office

CAGAYAN DE ORO CITY - Nagpositibo sa COVID-19 ang asawa at anak ng isang 62-anyos na ginang na una nang pumanaw sa sakit, ayon sa awtoridad dito. 

Mayo 15 nang pumanaw ang ginang mula sa Sitio Macanhan sa Barangay Carmen kaya't inilipat sa isolation unit ang 62 anyos na asawa nito at kanilang 42 anyos na anak para ma-quarantine dahil sa kanilang close contact.

Miyerkoles lumabas ang swab test ng mag-ama at nakumpirma ng City Health Office na positibo din sila sa virus.

“Isang linggo na ang mag-ama sa city isolation unit. Daily ang ating monitoring sa kanila. Hindi naman sila nakitaan ng sintomas, o asymptomatic,” sabi ni Dr. Joselito Retuya, epidemiologist ng CHO.

Patuloy pa ding naka-cordon ang lugar kung saan nakatira ang pamilya para malimitahan ang galaw ng mga residente.

“We are intensifying our contact tracing teams. The teams are now in respective barangays conducting tracking on the individuals na nakahalubilo ng mga naging positibo,” sabi ni Police Maj. Evan Vinas, tagapagsalita ng Cagayan de Oro City Police Office.

May 12 kaso ng COVID-19 sa lungsod pero tatlo lamang ang active case. Apat sa nagkasakit ay nakarecover na, habang lima naman ang namatay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.